OPISYAL ng bubuksan sa Lunes, Marso 30, ang University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) bilang referral center para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kinumpirma ni UP-PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, na target nilang maging operational na ang UP-PGH bilang COVID-19 referral center sa Lunes, matapos ang mga paghahandang ginagawa dito.
Ayon kay del Rosario, maraming pagbabago ang kanilang ginawa upang mabuksan ang isang area ng PGH para sa COVID-19 patients.
Bukod sa konstruksiyon, naglagay pa umano sila ng sistema, negative pressure filters, Personal Protective Equipment (PPE), at mga equipment.
Tiniyak rin niya na 24/7 nang nagtatrabaho ang kanilang mga tao.
Nabatid na kaya ng PGH referral center na mag-accommodate ng hanggang 130 pasyente ngunit para sa COVID-19 positive patients lamang at hindi aniya kasama ang mga Persons Under Investigation (PUI) at Persons Under Monitoring (PUM).
Dagdag pa ni del Rosario, bago mailipat sa kanilang pasilidad, dapat na na-screen muna sa ibang ospital, na-test at nagpositibo na talaga sa virus ang pasyente.
Maaari rin naman aniyang madagdagan pa ang kanilang kapasidad ngunit kailangang magdagdag pa ng mga personnel, doktor at mga nurse.
Bukod sa UP-PGH, itinalaga rin bilang referral center sa COVID-19 patients ang Lung Center of the Philippines sa Quezon City, at ang Dr. Jose N. Rodriguez hospital sa Caloocan City.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *