UAAP SEASON 82 SEMIFINALS: LAST CHANCE SA UST, UP

INAASAHANG magiging mas mainit ang bakbakan ng UST at UP sa kanilang do-or-die game ngayon (Nobyembre 13) sa Mall of Asia Arena.
Ang mananalo ang siyang makakabangga ng undefeated Ateneo de Manila University sa best-of-3 finals.
Umabante ang fourth-seeded UST sa semifinals stepladder kontra UP makaraang talunin ng Growling Tigers ang No. 3 Far Eastern University, 81-71, noong nakaraang Miyerkules.
May twice-to-beat advantage ang No. 2 Fighting Maroons at nangangailangan lang ng isang panalo papasok sa finals ngunit binigo sila sa ikatlong pagkakataon ng Growling Tigers, 89-69, Linggo para makapwersa ng decider game.
Bago ito, tinalo ng UST ang UP sa dalawang beses na paghaharap nila sa elimination round, 85-69 sa first round, at 84-78 sa second round.
Bumida para sa UST ang Season 82 MVP na si Soulemane Chabi Yo na tumipon ng double-double 17 points at 15 rebounds.
Nag-ambag din ang tandem nina Rhenz Abando at Mark Nonoy ng kabuuang 33 points at 11 rebounds, habang nagdagdag si Sherwin Concepcion ng 12 points, kabilang ang crucial 3-pointers sa final quarter, at Renzo Subido 8 points at 12 assists para sa Growling Tigers.
Maganda ang naging simula ng Growling Tigers nang kumunekta ng triples nina Subido at Rhenz Abando na nagpaabante sa UST 19-13 sa opening quarter.
Pagdating ng third quarter, lumobo na ang lamang ng UST, 52-33, ngunit sa pangunguna ni UP Maroons’ Bright Akhuetie bahagyang naibaba ito sa 57-46, 1:15 ang nalalabi sa oras.
Naibaba pa ng Maroons sa single digit ang lamang ng Tigers nang pumasok ang floater ni Kobe Paras, 72-63, 3:14 ang nalalabi sa last quarter.
Ngunit magkasunod na pumukol ng tres sina Concepcion at Nonoy upang muling dumistansiya ang UST, 78-63, at mula rito ay hindi na sila nahabol ng UP.

  • 3
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    3
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *