MAY 24,000 mga paslit ng daycare ang nakatanggap ng maagang regalo sa Valentines day mula kay Manila Mayor Isko Moreno at ito ay television sets na may kasama ng digital boxes.
Sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Manila City Hall, sinabi ni Department of Social Welfare Chief Re Fugoso na inutos ng alkalde ang pagbili at pamumudmod ng TV sets, dahil aniya malaking tulong ang mga programang wholesome at educational sa telebisyon bilang learning and instructional tools sa mga paslit.
Inutusan ni Moreno si Fugoso na ipamahagi na ang mga television sets na may kasamang digital boxes sa may 425 daycare centers sa lungsod. Inaasahan na makapagbibigay ng kalibangan ang mga tv sa mga paslit lalo’t break time.
Bagaman at sinabi ni Moreno na wala pa ring tatalo sa mga libro bilang panimulang paraan ng pagtuturo sa isang bata kung paano magsulat, magbasa at umintindi, ang telebisyon ay maari namang magsilbi bilang pagmumulan ng dagdag kaalaman at libangan.
Isinasaad sa Republic Act No. 6972 na dapat maglagay ng day care center sa bawat barangay na gagabay sa kabuuang pag-unlad at proteksyon ng mga programang pambata na nasa edad 2-5 taong gulang.
Inaatasan din ang lahat ng lalawigan, siyudad at munisipalidad na maglaan ng tulong-pinansyal sa mga day care centers at pagkalooban ito ng kaukulang pangangalaga at pansin mula sa antas ng pamilya at pamayanan.
Sinasaad din sa batas na dapat mayroong day care centers sa bawat 100 pamilya na nakatira sa isang barangay na siyang mangangalaga sa mga batang 2-5 taong gulang mula sa nutri-syunal na pangangailangan, social at mental na paglago ng mga ito.
Napag-alaman na ang mga batang nasa edad 2-5 taon ang madalas na dumadanas ng malnutrisyon, kakulangan ng mental at social stimulation. Dahil dito, itinatag ang mga day care centers upang matugunan ng pamahalaan ang mga suliraning ito sa pamamagitan ng supplemental feeding units na magta-taguyod ng social and mental development ng mga paslit sa bansa.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *