NILINAW ni Tokyo Games organizing committee chief Yoshiro Mori na hindi nila kinokonsidera ang kanselasyon o pagpapaliban ng 2020 Olympic Games ngayong taon sa kabila ng nagpapatuloy na novel coronavirus outbreak na kumalat na sa mahigit 20 bansa, kabilang na ang Japan.
Inulit ng Tokyo Olympic organizers ang kanilang mensahe sa dalawang araw na pagpupulong sa International Olympic Committee at sinabi nitong itutuloy at hindi madidiskaril ang nalalapit na Summer Games sa Hulyo kahit mayroong banta ng bagong coronavirus na kumakalat mula sa China.
“I would like to make it clear again that we are not considering a cancellation or postponement of the games. Let me make that clear,” pahayag ni Mori sa pamamagitan ng interpreter sa ilang mga pangunahing IOC official na dumalo sa komperensya sa kabisera ng Japan.
Magbubukas ang Olympics sa loob ng limang buwan, at magsisimula ang torch relay sa susunod na buwan sa Japan—malinaw na senyales na nalalapit nang itanghal ang Olimpiyada.
Habang wala pa namang namamatay sa Japan sanhi ng virus, nangangamba ang mga opisyal sa Tokyo at ng IOC. Kasama nila ngayon sa pagpupulong si Dr. Richard Budgett, ang medical at scientific director ng IOC.
Noong isang linggo, sinabi ni Toshiro Muto, ang chief-executive-officer ng Tokyo organizing committee, na “seryoso ang kanyang pag-aalala na ang pagkalat ng sakit mula sa nCoV ay maaaring makaapekto sa momentum patungo sa Olympics.”
Dangan nga lang ay binawi niya agad ito makalipas ang isang araw at sinabi malaki ang kumpiyansa niya na matutuloy ang games.
Sapilitang nakansela sanhi ng coronavirus ang popular na Formula One race na itinakda sa Abril sa Shanghai.
Binura din nito ang indoor world track and field championships sa Nanjing, mga torneo ng golf, sagupaan sa soccer at halos lahat ng larangan ng palakasan sa China, kabilang ang mga Olympic qualifying event. Pinipigilan din nito ang pagbiyahe ng mga atleta ng China para magkuwalipikasa Olimpiyada, masa kabiguan para sa mga Chinese.
Hinayag ni dating Olympian at tinatawag na alkalde ng Olympic Village na si Saburo Kawabuchi na maaaring mapigilan ng mainit at humid na tag-init sa Tokyo ang pagsalakay ng virus.
“The biggest concern is the coronavirus and the infection,” wika ni Kawabuchi sa Nihongo.
“Currently we don’t have any clue when this issue will be resolved. Based on various pieces of information we receive, it seems that this virus is not as strong as the influenza virus. The virus is susceptible to humidity and heat. In Japan, we have the rainy season which could defeat the virus,” dagdag pa nito.
Ayon naman kay John Coates, miyembro ng IOC na namumuno sa regular na inspeksyon sa Tokyo, umaasa siyang makakatanggap agad siya ng mga ulat ukol sa status ng virus mula sa pamahalaang Hapones, pamahalaang lungsod ng Tokyo at gayun din ang mga local organizer upang matiyak na “ginagawa ang lahat para matugunan ang epidemya.” (Ni Tracy Cabrera)

***

BINIBINING MARATHONER,  RUN FOR A CAUSE  SA WOMEN’S MONTH

Lahat ng babae ay nararapat bigyan ng korona. Bilang paggunita sa Buwan ng Kababaihan o Women’s Month, gaganapin ang “Binibining Marathoner 2020” sa MOA ground sa Marso 15.
Hindi ito isang paligsahan ng pagandahan at patalinuhan kundi isang karera ng takbuhan na bukas para lang sa lahat ng mga kababaihan at may pusong babae. Tampok dito ang 42.195-km Marathon at mga side events na 21-km, 10-km at 5-km at ang 3-km ay para sa kabataan na tinawag na Munting Binibining Marathoner.
Ang mga malilikom sa Binibining Marathoner ay mapupunta sa Cribs Foundation at ang kanilang programang New Beginnings na nakatutok sa mga inabusong kabataang babae. Dahil Buwan ng Kababaihan, nais ng patakbo na palakasin ang papel ng Pinay sa lipunan at isulong ang pantay na karapatan ng mga kasarian.Maliban sa nakasanayang medalya at t-shirt, magpuputong din ng koronang gawa sa kapis sa lahat ng magtatapos. Bibigyan ang lahat ng hinabing banig na bag na puno ng regalo buhat sa mga sponsor. Kasama sa race kit ang singlet at numero at may karagdagang bayad kung nais kumuha ng tutu o palda. Ang finisher t-shirt ay para lang sa magtatapos ng 42-km at 21-km at lahat ng tatakbo ng 42-km, 21-km at 10-km ay kakabitan ng timing chip.
Tumungo lang sa mga sangay ng Garmin sa SM Malls para magpalista hanggang Marso 1 o bago magkaubusan. May online registration sa RaceYaya.com hanggang Pebrero 15.
(DANNY SIMON)

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *