NASAWI ang tatlong miyembro ng isang pamilya, kabilang ang apat na taon gulang na bata, habang sugatan ang siyam iba pa matapos mabalaho sa kalsada ang isang cargo truck at magtuluy-tuloy na dumausdos sa mga kabahayan sa Zamboanga del Norte.
Nangyari ang insidente nitong Linggo 7:20 ng gabi sa kahabaan ng National Highway sa Sitio Lipubo, Bgy. Limpapa, Sibuco, Zamboanga del Norte, na ikinasawi ng mag-aamang Dwayne Santiago, 4; James Bryan Santiago, 18; at Rodolfo Santiago, 60, ng Sitio Lipuno, Bgy Limpapa.
Ginagamot naman sa Labuan Public Hospital Medical Center ang mga nasugatan na sina Zyramae Santiago, 11 buwan; Allan Jailani; Domiciano Roxas Estenzo, 60 anyos; Roceny Calago Marcial, Sherry Jane Bulalang Estenzo, 8; Sarah Jane Bulalang Estenzo, 29; Mary Rose Estenzo Reso-Or, 37; Delmar Estenzo Reso-or, 8 at Roderick Guevara Estenzo, 4.
Bahagya namang nasugatan si Jayson Tejeros De Leon, 35, driver ng cargo truck, na ngayo’y nakakulong sa Sibuco Municipal Police Station (MPS) at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at multiple physical injuries.
Sa ulat, patungo ang trak sa Zamboanga City nang aksidenteng mabalaho sa kalsada at mawalan ng kontrol hanggang sa magtuluy-tuloy na bumulusok sa mga kabahayan kungsaan napuruhan ang bahay ng pamilya Santiago at Entenzo.

‘Bigtime pusher’ dinukot sa
Bacolod, natagpuang patay

BANGKAY na nang matagpuan ang isang lalaking dinukot Lunes ng gabi sa Bacolod City.
Martes ng umaga nang matagpuan sa bakanteng lote sa Barangay Mandalagan ang bangkay ni Ontao Sacar, dating pinuno ng Muslim Brotherhood Maranao Tribe sa lungsod.
Ayon sa kaniyang asawang si Norlyn Sumagaysay, Lunes ng gabi nang dukutin ang mister ng grupo ng kalalakihang naka-bonnet at sakay ng dalawang SUV habang naglalakad sila matapos kumain sa isang fastfood chain.
Hindi siya natangay ng grupo matapos niyang makatakbo papalayo.
Base sa imbestigasyon ng PNP Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawan ang biktima at pininturahan pa ito ng “I love drugs” at isang smiley face sa tiyan.
May iniwan ding placard sa bangkay kungsaan may nakasulat na: “Huwag tularan bigtime pusher ako.”
Pinabulaanan naman ni Sumagaysay na may kinalaman sa iligal na droga ang mister. Sabi niya, nagtitinda ng cellphone accessories ang 66-anyos na mister sa isang mall sa Bacolod.
Wala rin siyang maisip na motibo o suspek sa pagpatay sa asawa. Hindi na pumayag pa ang pamilya ng biktima na ipa-autopsy ang bangkay.

Pulis pisak sa trak sa gitna ng bagyo

NASAWI ang isang nagmomotorsiklong pulis nang mabundol at makaladkad ng trak matapos sumemplang sa gitna ng pag-ulang dala ng bagyong “Tisoy” sa Lucena City, Quezon, Lunes ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si SSgt. Jovel Villanueva, 33, ng Pagbilao at nakatalaga sa 1st Provincial Mobile Force Company.
Naganap ang insidente 8:00 ng gabi sa bahagi ng Diversion Road na sakop ng Bgy. Domoit.
Nagmomotorsiklo si Villanueva patungong Pagbilao nang sumemplang sa kalsada, na naging madulas dahil sa walang puknat na pag-ulan, ayon sa ulat.
Habang tumatayo ang pulis, nabundol at nakaladkad naman siya ng dropside truck (UER-767) na dala ni Raulito Quijano, 54.
Dead on the spot ang pulis dahil sa matinding pinsalang tinamo at maging ang kanyang motor ay nasira.
Nasa kostudiya ng lokal na pulisya ang driver ng trak para sa karagdagang imbestigasyon.

12-anyos nanunog ng
7 establisimento, huli

NADAKIP ng mga otoridad ang 12-anyos na bata na suspek sa serye ng panununog sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay Kabacan, Cotabato Municipal Disaster Risk Reduction and Management head, David Don Saure, may testigo umano na nakakita sa bata na may dalang plastic at lighter bago ang insidente ng sunog.
Umaabot sa pitong establisiemento ang nasunog simula gabi hanggang madaling araw.
Kabilang sa mga nasunog ay ang Bahay Buko, abandonadong bahay na pag-aari ng Orpiano family na kapwa nasa Barangay Osias.
Ayon kay Saure, nasunog rin ang Manolette Bakeshop, Pritong Manok, Corpuz Patilan, Cake’s by Lial at isang space for Rent na stall.
Sinabi Fire Inspector Albert Lagura ng BFP Kabacan, umaabot sa P2.233 million ang kabuuang danyos sa pitong magkakahiwalay na sunog.
Maituturing na Arson ang insidente dahil sa intensiyon na pagsunog at isinailalim na sa interogasiyon ang suspek.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close