Ipinag-utos na ng Quezon City Metropolitan Trial Court (MTC) na arestuhin si dating Sen. Antonio Trillanes IV at 10 iba pa na una nang kinasuhan ng Department of Justice (DoJ) dahil sa kasong conspiracy to commit sedition.
Inilabas ang arrest warrant ng QC-MTC Branch 138 laban kina Trillanes, Peter Jomel Advincula alyas Bikoy na itinuturong nasa likod ng “Ang totoong Narcolist videos.”
Ayon sa ulat ang mga akusado ay kinasuhan dahil umano sa alegasyon ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy, na ang mga miyembro umano ng oposisyon ay nagpaplanong patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte sa pamamagitan umano ng pag-uugnay sa kanya at kanyang pamilya sa illegal drug trade.
Ang videos na nag-uugnay umano kay Duterte sa umano’y drug links ay kumalat na may pamagat na “Ang Totoong Narcolist” isang serye ng videos na nag-viral online na nagpapakita umano kay “Bikoy” na nakasuot ng hood na kasuotan.
Nabatid pa sa ulat nitong nakalipas na Enero 27, ang Department of Justice (DOJ) ay nagsampa ng reklamo laban kina Trillanes at sa iba pa na nag-aakusa sa kanila ng pagsasabwatan at nagpapakalat umano ng malisyoso at libelong kuwento laban sa Pangulo.
Itinanggi naman ni Trillanes ang pagkakasangkot nito sa naturang isyu para siraan umano si Pangulong Duterte at sinabing ang pagsasampa ng kaso ay upang takutin lamang ang oposisyon.
Ang iba pang prominent respondent kabilang sina Vice President Leni Robredo, Senators Leila de Lima at Risa Hontiveros at dating Senator Bam Aquino ay nilinis sa kaso.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *