Inuwi ng Navotas City Hospital (NCH) ang Silver Trailblazer Award mula sa Institute for Solidarity in Asia (ISA) para sa pagsisikap nitong isulong ang mabuting pamamahala.
Tinanggap ni NCH Director Dr. Christia Padolina ang parangal matapos ang public revalida sa Compliance Stage ng Performance Governance System (PGS) ng ISA.
“Sinasalamin ng parangal na ito ang ating patuloy na pagsisikap na mapabuti ang ating mga serbisyo, lalo na sa sektor ng kalusugan. Mananatili ta-yong tapat sa ating pangako na ibigay ang pinakamagandang serbisyo habang isinusulong natin ang kapakanan at kagalingan ng bawat Navoteño,” ani Mayor Toby Tiangco.
Ang PGS ay binubuo ng apat na yugto tulad ng initiation, compliance, proficiency, at institutionalization.
Matapos ang initiation nito noong Nobyembre 2017, nagsagawa ng mga reporma at pag-aayos ng mga resources ang NCH para makamit ang strategic position na maging pangunahing community-linked secondary healthcare sa CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela).
Kabilang sa mga pagbabagong isinulong ng NCH ang pagbuo ng Office of Strategic Management (OSM) at Multi-Sector Governance Council (MSGC).
Ang OSM ang nagmomonitor sa progreso ng mga unit sa NCH para maabot nila ang kani-kanilang layunin. Ang MSGC, sa kabilang banda, ay tumutulong sa paggawa ng mga bagong programa tulad ng #NotoSolo, #GamotMoSagotKo at #JuanCard para mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga Navoteño.
Ang ospital ay nakikipagtulungan sa Department of Health para sa installation ng iHOMIS at iClinicSys computer systems na makatutulong para maging interoperable ang information system at electronic medical records nito at ng mga nasa health center ng lungsod.
Dagdag pa rito, kasalukuyang inaayos ang NCH para maging secondary-level hospital na may 100-bed capacity. Para masiguro na sustenable ito, pinayagan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na manatili ang 20% ng kita ng ospital bilang supplementary budget nito.
Nagsasagawa rin ang ospital ng mga advocacy projects, na pinangungunahan ng mga specialty physicians nito, para isulong ang malusog na pamumuhay at ang preventive health care.
Nakipagtulungan din ito sa ibang ahensya ng pamahalaan para mas maparami ang maihandog nitong tulong pinansyal sa mga pasyente. Kabilang dito ang Office of the President sa pamamagitan ng Malasakit Center, Office of the Vice President, DOH, Navotas City Government, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close