Sharon namugto ang mata nang paiyakin ni Juday

ISANG special celebrity screening ang ginanap  para sa pelikulang Mindanao na pinagbibidahan ni Judy Ann Santos.
Ginanap ang celebrity screening Lunes ng gabi, December 9 sa Director’s Club Cinema ng The Podium sa Ortigas.
Ang Mindanao ay pelikulang pinagbibidahan ni Judy Ann na entry sa Metro Manila Film Festival ngayong Pasko.
Hindi nakalimot na sumuporta ang Megastar na si Sharon Cuneta sa kanyang “younger sister” na si Judy Ann sa naturang celebrity screening, gayundin ang blockbuster director na si Binibining Joyce Bernal na matagal na ring matalik na kaibigan ng aktres.
Pagkatapos ng screening ay nagpalakpakan ang mga invited guests mainly because of Judy Ann’s superb performance sa pelikula.
Namugto ang mga mata ni Sharon sa pag-iyak dahil sa mahusay at madamdaming pagganap ni Judy Ann sa pelikula.
Isang tumpok ng tissue paper ang nakita naming nasa harapan ng Megastar na pruweba nang wagas niyang pagluha habang pinanonood ang pelikula.
Pagkatapos din ng pelikula ay nakita namin ang mahigpit na yakapan nina Mommy Carol Santos (dakilang ina ni Judy Ann) at ng Megastar, gayundin ang yakapan nina Sharon at Binibining Joyce.
At tulad ng alam ng lahat, nitong nakaraang November 29 ay isang milestone sa showbiz career ni Judy Ann ang naganap… nanalo siya bilang Best Actress sa prestigious na Cairo International Film Festival para sa outstanding performance niya bilang inang si Saima.
Noong gabing iyon ay ini-award kay Judy Ann ang kanyang tropeyo at plaque mula sa CIFF ng Cairo, Egypt.
Siyempre pa, nasa selebrasyon sa The Podium ang mapagmahal na mister ni Judy Ann na si Ryan Agoncillo (nasa bahay ang tatlong anak nilang sina Yohan, Lucho at Luna dahil may pasok sa school kinabukasan), ang mga kapatid ng aktres na sina Kuya Jeffrey at Ate Jack ni Judy Ann at ang ina nga nilang si Mommy Carol.
Dumalo rin ang pamilya ni Ryan sa special screening pati na rin ang iba pang malalapit na kapamilya at kaibigan ng mag-asawang Judy Ann at Ryan.
Ngayon pa lang, dahil sa husay ni Juday sa Mindanao ay marami na ang nagsasabing bukod sa pagwawagi sa MMFF awards night sa December 27 ay napakalaki ng tsansa na maka-grandslam ng aktres sa pagka-Best Actress para sa Mindanao!

***

KINUMPIRMA na mismo ni Rams David na sa December 29 ang huling episode na eere ang Sunday PinaSaya!
At para malinawan ang kung anu-anong naglalabasan tungkol sa pagtatapos sa ere ng naturang Sunday musical variety show ay sinagot ni Rams ang mga katanungan namin sa kanya sa Studio 7 ng GMA Network kung saan ginaganap ang live programming ng SPS.
Ano ang unang naging reaksyon ni Rams nang nalaman niyang aalisin na nga ang SPS?
“Ano naman e, parang… alam naman namin kasi it’s contract, contractual kasi yung show.”
Talaga raw magtatapos na ang kontrata sa GMA ng SPS ngayong December; blocktimer ang SPS sa Kapuso Network dahil produced ito ng APT Entertainment, Inc. na isa sa mga namumuno si Rams.
“So it’s a finished contract so okay lang, hindi naman kami tinanggal, tinapos yung kontrata. Umabot po kami ng four years and four months.”
Iyon ang talagang duration ng kontrata nila sa GMA?
“Yes iyon yung latest, ikaapat na taon, na-extend pa kami ng ilang buwan.”
Consistent na mataas ang rating ng SPS, hindi ba sila nagulat na sa kabila ng tagumpay ng show ay aalisin pa rin sila?
“Siyempre it’s up to the network e, kung ano yung plano nila so we respect their decision naman so okay lang naman. Happy kami na tumagal na kami ng ganung maraming taon, at marami kaming napasaya.
“That’s important, e! Yung nabigay namin yung maganda sa viewers.
“At tsaka tumatak sa kanila, na minsan sa buhay nating lahat sa Pilipinas, may isang Sunday PinaSaya na lumabas sa television for four years or more than four years na nagpasaya sa kanila,” sinabi pa ni Rams.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *