Sen. Go ikinatuwa ang paglagda ni PDu30 sa ‘Malasakit Law’ at pagtakda ...

Sen. Go ikinatuwa ang paglagda ni PDu30 sa ‘Malasakit Law’ at pagtakda sa ‘BSK elections’

NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap nang batas ang Malasakit Centers maging ang petsa ng pagdaraos ng halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan.
Ang ceremonial signing ay isinagawa sa Malacañang kamakalawa ng gabi.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na siya ay nagagalak at nagpapasalamat sa pormal na pagsasabatas sa dalawang panukala na tinawag niyang pangunahing programa na magsasakatuparan ng makabuluhang reporma para sa kabutihan ng bansa.
Ang dalawang nasabing batas, mga kauna-unahang naipasa sa 18th Congress, ay kapwa pangunahing legislative agenda ni Senador “Bong” Go noong panahon ng kanyang pangangampanya sa nakaraang halalan.
Inihain ni Go ang mga nasabing panukala noong Hulyo pagkaupong-pagkaupo niya sa Senado.
Itinuturing bilang “landmark piece of legislation” ang Republic Act No. 11463, Malasakit Center Act of 2019, na naglalayong mag-estabilisa ng mga Malasakit Centers sa 73 ospital na pinatatakbo ng Department of Health (DOH) saan mang lupalop ng bansa at sa Philippine General Hospital sa Maynila.
Ang Malasakit Centers ay magsisilbing one-stop shop para sa pagbibigay ng medical at financial assistance sa mga indigent o mahihirap na pasyente mula sa mga pinagsama-samang government agencies tulad ng DOH, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Dumalo muna sa pagbubukas ng ika-52 Malasakit Center sa Ospital ng Malabon sa Malabon City, labis ding nagpasalamat at nagalak si Sen. Go sa paglagda ng Pangulo sa inihain niyang batas.
Mismong si Pangulong Duterte ay makailang beses na pinuri si Go sa naging ideya nito na magbukas ng mga Malasakit Centers, kahit noong Special Assistant pa lamang niya ang senador.
Si Go ang nag-sponsor ng Malasakit Center Bill sa Senado habang kabilang din siya sa mga mambabatas na naghain ng panukalang ipagpaliban muna ang BSK elections.
Sa nilagdaang Republic Act No. 11462 ng Pangulo kamakalawa ng gabi rin sa Malacañang, ang susunod na Barangay at SK elections na dapat ay idaraos sa ikalawang Lunes ng Mayo 2020 ay gagawin na sa December 5, 2022, sunod ay sa unang Lunes ng Dec. 2025 at sa tuwing pagkaraan ng tatlong taon.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close