Say ng labor leader: Manila Water, Maynilad plano burahin... ‘PRRD IPAPASA ANG KONTRATA SA CRONIES?’

WALANG puknat ang pagbanat ni Pangulong. Rodrigo Duterte sa dalawang water concessionaires sa bansa dahil plano umano nitong kunin at ipasa ang mga kontrata sa kanyang cronies o kaibigan, ayon sa isang labor goup.
Malaki ang paniniwala ni Leody de Guzman, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), na nais ni Duterte na baklasin ang Manila Water at Maynilad at ibigay ang water concession agreement sa kanyang mga kaibigang sina Dennis Uy, Ramon Ang at mag-asa-wang dating Senador Manny at Senadora Cynthia Villar.
Ginawa ni De Guzman ang pahayag bilang reaksiyon sa pag-alok ni Pangulong Duterte sa dalawang water firms ng mga bagong kontrata na hindi umano nagtataglay ng mga probisyon na makasasama sa gobyerno at sa publiko.
Ayon kay Duterte, dapat tanggapin ng Manila Water at Maynilad ang bagong kasunduan dahil kung hindi ay iuutos niya ang military takeover sa operasyon ng dalawang water utilities.
Subalit kahit tanggapin ng dalawang water concessionaires ang bagong kasunduan ay wala aniyang katiyakan na makakatakas ang mga ito sa pag-uusig.
Paulit-ulit na binatikos ni Duterte ang kasunduan na binuo noon pang 1997 (panahon ni Fidel Ramos) na tatagal hanggang 2022 at pinalawig ng MWSS hanggang 2037 noong 2009 (panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo). Gayunman ay binawi ang extension ng concession agreement makaraang matuklasan ang umano’y hindi makatarungang mga probisyon na nakapaloob dito.
Subalit naniniwala ang BMP leader na ang tunay na layunin ni Duterte sa pagbira sa dalawang water firms ay para ipasa ang kontrata sa mga kaibigan niya.
“Ang patunay diyan ay wala siyang plano na ipag-bawal na ang privatization sa tubig at sektor ng serbisyo tulad ng kuryente, ospital, paaralan at transportasyon,” aniya.
Nagsimula ang privatization noong administrasyon ni yumaong Pangulong Corazon Aquino.
Ang mag-asawang Villar ay pinaniniwalaang nagbigay ng pondo sa kampanya ni Duterte sa pagkapangulo noong 2016, at ang sinasabimg bayad’ dito ay ang pagpuwesto sa kanilang anak na si Las Pinas Rep. Mark Villar sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nakapuwesto rin ang asawa ni Sec. Villar na si dating Rep. Emmeline Aglipay Villa bilang DOJ Undersecretary.
Pasok ang pamilya Villar sa negosyong distribusyon ng tubig sa mga lalawigan sa pamamagitan ng kompanya nilang Prime Water Infrastructure Corporation.
Si Uy naman na taga-Davao ang may-ari ng Dito Telecommunity Corporation (dating Mislatel o Mindanao Islamic Telephone), ang ‘third telco’ ng bansa, kasosyo ang China Telecom na pag-aari ng pamahalaan ng China.

  • 2
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    2
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *