‘Birong totoo’ ni Digong kay Bong Go

MAGING ang kaalyado at kaibigan ni Pangulong “Digong” Duterte na si Senador “Koko” Pimentel ay pinaalalahanan ang punong ehekutibo na magdahan-dahan sa pagpawalang-bisa sa treaty sa Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Say ni Koko, dapat magdahan-dahan, wag magpabigla-bigla si Pangulong Digong sa pagbasura niya sa VFA para lang maibalik ang US Visa ng kanyang “bata” na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Kinansela kasi ng Amerika ang US Visa ni Bato dahil sa isyu ng human rights. Si Bato ang “utak” ng “Oplan Tokhang” na kumitil ng maraming buhay kaugnay ng “war on drugs” ni Digong.
“My appeal is for us to be more careful and discerning because if we have the power to abrogate a treaty, the other party also has that,” sabi ni Pimentel sa radio interview. “Remember that we still have other treaties with the US. If they feel insulted by our sudden termination of the VFA, the US may withdraw from all other treaties with us. We might be surprised.”
Oo nga naman. Malaki ang tama ni Bato. Maliban kasi sa VFA, ang Pilipinas ay mayroon pang dalawang pinirmahang military agreements sa Estados Unidos. Ito ay ang Mutual Defense Treaty (MDT) noong 1951 at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noon namang 2014.
Sa ilalim ng MDT, ang dalawang bansa ay may kasunduang magtutulungan kapag ang isang bansa ay inatake ng ibang bansa.
Sa ilalim naman ng EDCA, mayroong kasunduan sa VFA na ang tropa ng Amerikano ay pinapayagan magtayo at mag-operate ng pansamantalang pasilidad sa Pilipinas.
Sabi nga ni Koko, tserman ng Senate foreign relations committee, ang pagkansela sa US Visa ni Bato ay walang halaga sa bansa dahil ang Estados Unidos tulad ng Pilipinas ay mayroong “sovereign power” para magbigay at magtanggi sa pagpasok sa banyagang citizens. Mismo!
Tulad lang ito ng ginagawa ng China. Hindi nila pinapapasok sa kanilang teritoryo ang mga Filipino na kritiko ng West Philippine Sea. Halimbawa rito sina dating DFA Sec. Del Rosario at dating Ombudsperson Conchita Carpio-Morales na kapwa ban sa Chinese teritories.
Gayunpaman, sabi ni Koko, na sa tingin ko ay takot ding mamura ni Digong, ipatatawag niya ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Armed Forces of the Philippines sa isang Senate hearing ngayon linggo para tingnan kung ang VFA ay may pakinabang pa ba sa Pilipinas.
Kamakailan ay matapang na sinabi ni DFA Sec. Teddyboy Locsin na dapat ay matagal nang kinansela ni Pangulong Digong ang VFA. Sinabi pa niyang inatasan na niya ang DND na simulan na ang mga hakhang ng pagbasura sa VFA.
Maganda ang naisip na hakbang na ito ni Sen. Koko. Sa Senate hearing ay maririnig ng publiko mula sa mga opisyal ng DND at AFP kung may pakinabang nga itong DFA na higit 20 years nang kasunduan ng Pilipinas at US.
Subaybayan!

Estudyanteng tulak

ISANG concerned student ang nag-text sa atin hinggil sa iligal na pinaggagawa ng isang estudyante sa kanilang eskuelahan.
“Isa po akong estudyante ng Mahardika Institute of Technology. Isa po sa mga naging kaibigan namin sa iskul ay isang 16 years old na Grade 5 student na paminsan-minsang nagbebenta ng droga. Ayaw naman po niyang sabihin samin kung saan siya kumukuha ng tingi-tinging droga. Ang pangalan nya po ay A.C.H.A. na taga-Lamion 1, Bongao, Tawi-Tawi. Sana maagapan ang paglaki ng pagtutulak niya ng iligal na droga. Dapat ma-rehab agad siya para maituwid pa ang kanyang kinabukasan.” – Concerned student
Dapat ngang maputol na ang maling gawain ng batang ito bago pa siya tuluyang maging batang kriminal…

  • 2
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    2
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *