Pinsala ng sunog sa Legaspi Condo Tower pinaiimbestigahan ni Isko

INATASAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang tanggapan ni Manila City Engineer chief Armand Andres na likumin ang lahat ng detalye at makipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya upang matukoy ang kabuuang pinsala sa tatlong oras na sunog na naganap sa high-rise condominium building sa Malate, Manila kamakailan.
Ayon kay Andres, inatasan sila ni Moreno na magsagawa ng masusing pagsisiyasat upang malaman ang structural integrity ng Legaspi Tower 300 na nasa 2600 Roxas Boulevard corner P. Ocampo Street, Malate Manila para din sa kapakanan at kaligtasan ng mga naninirahan dito kabilang na si dating Manila Mayor Mayor Alfredo S. Lim, Ch. Jimmy Adriano at ilan pang kilalang personalidad.
Ayon kay Andres, mayroon ng koordinasyon sa pagitan ng Bureau of Fire Protection at Manila Disaster Risk Reduction Management Office na pinamumunuan ni Arnel Angeles at dito magmumula ang kanilang aksyon base na rin sa kanilang mga reports.
Inatasan din ni Moreno si Andres na makipagtulungan sa sa mga kinauukulan ng Legaspi upang makapagsagawa ito ng sariling pagsisiyasat, bukod pa sa gagawin ng nasabing condo building administration.
Nabatid kay Adriano na mayroong mahigit na 2,000 tenants sa 22-storey condominium building.
Sa ulat, nabatid na nagsimula ang sunog dakong 5:30 p.m. sa Unit 8-E na nasa 8th Floor ng condo tower noong Sabado.
Kinilala ang biktima na siya ring may-ari ng unit na si Wang Ser Siong, 64, Chinese national at namatay din makaraang lumundag sa terrace sa intensyong takasan ang nasusunog na condo unit.
Dineklarang fire out ang sunog dakong 9:01 p.m.
Sa paunang imbestigasyon nabatid na ang unit lamang ng biktima ang nasunog at hindi pa batid kung magkano ang halaga ng napinsala.
Tanging ang biktima lamang ang nakatira sa nasabing unit kung kaya’t tumalon ito sa terrace na nasa 8th floor at bumagsak sa 4th floor ng gusali.
Nagtamo ang biktima ng malubhang pinsala sa iba’t ibang parte ng katawan at isinugod sa Ospital ng Maynila ng mga tauhan ni Adriano na siyang chairman ng Barangay 719 zone 38.
Gayunman dineklarang dead-on-arrival ang biktima dakong 6:43 p.m. dahil sa traumatic brain at abdominal injuries. (Andi Garcia)

  • 2
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    2
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *