PINAS PUEDE NA SA ASIAN GAMES HOSTING - OLYMPIC COUNCIL

DAHIL sa nakakabilib at “world-class opening ceremony” ng Southeast Asian Games na ginanap sa dambuhalang Philippine Arena sa Bulacan, hinikayat ng opisyal ng Olympic Council of Asia (OCA) ang gobiernong Pilipinas na maging punong abala narin ng mas malaking event tulad ng Asian Games.

Bukod sa paghanga sa makapigil-hiningang opening night show ng SEA Games, hinangaan at itinuring na kababaang loob ng OCA ang paghingi ng paumanhin nina Pangulong Rodrigo Duterte at House Speaker Alan Cayetano tungkol sa ilang “aberya” bago ang pormal na pagsimula ang 30th SEA Games sa bansa.
Sinabi ni Wei Jizhong, bise presidente ng OCA, na ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng sports na humingi ng “sorry” ang pangulo ng bansa at lider ng organizer ng palaro na isang pinuno ng Kongreso sa kabila ng katotohanang normal ang pagkakaroon ng kaunting problema sa lahat ng sports events na idinaraos maging sa ibang panig ng mundo.
“The republic government and the speaker of the parliament apologized, this is the first time. I have never heard of it before “, sabi ni Jizhong sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sa isang pulong balitaan.
Nauna nang humingi ng paumanhin si Pangulong Duterte dahil sa ilang aberya sa transportasyon at pagkain sa paghahanda ng bansa para sa 30th SEA Games. Sinabi ni Duterte na hindi hahayaan ng kanyang gobyerno na pabayaan ang kapakanan ng mga atleta.
Nag-sorry din si Cayetano, pinuno ng PHISGOC na siyang organizer ng SEAG, at nangakong aayusin at sosolusyunan ang mga naturang aberya.
Kaugnay nito, sinabi ni Jizhong na ang ginawang pagpapakumbaba ng dalawang mataas na lider ng bansa na aminin ang pagkukulang ay patunay lamang na handa na ang Pilipinas na mag-host ng mas malaking international sports event katulad ng Asian Games na magaganap pagkatapos ng sampung taon.
Kaya naman hinikayat ni Jizhong ang Pilipinas na mag-bid para sa Asian Olympics na gaganapin sa 2030 lalo pa at napahanga ang opisyal sa olympic quality ng bagong gawang stadium at aquatic center sa New Clark City sa Tarlac.
‘With Philippine leaders owning up to lapses, the Philippines shows that it is ready to host more “bigger-scale games,” ayon pa kay Jizhong.
Idinagdag pa ni Jizhong na ang mga nangyaring gusot sa SEAG ay nangyayari din maging sa Asian Games. “To have some problems in the beginning of the game, in all the games, including Asian Games, we have similar happening.”
Samantala, pagkatapos ng tatlong araw ng 11-araw na torneo ay lalo pang umalagwa ang Philippine Team sa overall medal tally laban sa 10 bansa na mayroong 47 gold, 26 silvers at 16 bronze medals.

  • 3
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    3
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close