Mas naging maanghang ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Maynilad at Manila Water sa gitna ng isyu sa concession agreements na pinasok ng gobyerno noong 1997.
Sa talumpati sa Rizal Hall ng Malacañang araw ng Martes, ibinabala ng presidente ang pag-take over ng pamahalaan sa water services sakaling hindi masiyahan sa paliwanag ng mga opi-syal ng water concessionaires.
Banta pa ng presidente, kung ayaw makipag-usap sa kanya ng mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at mga abugadong bumalangkas sa concession deals, sapilitan niyang ipahahatak ang mga ito patungong Malacañang.
Ibinabala pa ng presidente ang pagsuspinde sa writ of habeas corpus para ipaaresto ang mga opisyal.
Sa ilalim ng concession agreements na pinasok ng nooy Administrasyong Ramos, nakasaad na bawal pakialaman ng gobyerno ang ipatutupad ng dagdag-singil sa tubig.
Ang pahayag ni Duterte ay ilang oras lamang matapos sabihin ng Maynilad at Manila Water na hindi na nila sisingilin ang P11 bilyong pisong napanalunan sa arbitration dahil sa hindi pagpa-patupad ng rate adjustments.
Samantala, kumpyansa ang pangulo na matibay ang mga kasong isasampa laban sa water firms.
Dating Pangulong Ramos at Arroyo,
kakasuhan sa water contracts
Samantala, hindi isinasantabi ng Palasyo ng Malakanyang na maaring masapul sa asunto sina dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa tagilid na kontrata na pinasok ng gobyerno sa Maynilad at Manila Water.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, ito ay kung mapatutunayan na bahagi ng conspiracy o nakipagsabwatan sina dating Pangulong Ramos at Arroyo.
Taong 1997 o panahon ni dating Pangulong Ramos, nalagdaan ang kasunduan sa Manila Water at Maynilad at nakatakdang mapaso sa taong 2022.
Pero ni-renew ito sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Arroyo noong 2009 at pinalawig pa ng 15 taon.
Kung hindi naman aniya mapatutunayan, tiyak na abswelto ang dalawang dating pangulo.
Sa ngayon, tuloy aniya ang pag-aaral ng Department of Justice (DOJ) sa kontrata ng dalawang water concessionaire.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *