DOH: Bata sa Cebu na galing Wuhan negatibo sa novel coronavirus

Pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na umiwas na muna sa pagkain ng mga exotic food, kilawin o mga hilaw na karne gayundin ang pagbebeso-beso at shake hands.
Pahayag ito ng DOH sa gitna ng paglaganap ng sakit na novel coronavirus.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Health secretary Francisco Duque III na huwag na munang kumain ng karne ng aso, pusa, daga, bayawak at iba pa.
Payo ni Duque, kung kakain ng karne, tiyakin na matagal ang pagkakaluto para masigurong patay ang mikrobyo.
Iginiit ni Duque na marami nang sakit ang tao na nakukuha sa pagkain sa mga hayop.
Inihalimbawa ni Duque ang sakit na severe acute respiratory syndromes o SARS, African Swine Fever (ASF), Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus o MersCov at iba pa.
Ito aniya ang tinatawag na zoonotic transmission na ang ibig-sabihin ay ang mga sakit na nakukuha ng tao sa pamamagitan ng pagkain ng iba’t ibang hayop.
Sa halip naman na makipag-shake hands, mas makabubuti umano ang fist bump o finger to finger na batian na lamang gaya nang mga itinuturo sa mga sanggol na align na daliri.
Pero ayon kay Duque, pinakamabisa ang pagkaway na lamang na senyales ng “Hello”.
Hinihimok din ni Duque ang publiko na palagiang maghugas ng kamay at takpan ang bibig kapag umuubo.
Dapat din aniyang uminom ng maraming tubig at panatiling basa ang lalamunan pra makaiwas sa iba’t ibang uri ng virus.
Sa pinakahuling talaan ng health officials, mahigit sa 50 katao na ang namatay sa China dahil sa novel coronavirus.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *