URONG SULONG

SAWIKAIN ito ng mga kapatid natin sa rehiyon ng Bikol tungkol sa isang tao na palaban at may prinsipyo. Gamit ang salitang ito tungkol sa lakas at tibay ng loob, tapang, at paninindigan. Ireserba natin ang salitang ito kay Bise Presidente Leni Robredo.
Hindi inaasahan na tatanggapin ni Leni ang alok ni Rodrigo Duterte na maupo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD). Dito nag-umpisa ang maraming ingay. Napakaraming opinyon para sa isang bansa na bawat isang mamamayan ay may sariling opinyon. Bansa talaga tayo ng napakaraming bida at nagbibida-bidahan.
Sapagkat tinanggap na ni Leni ang alok, ano na ngayon?
Hindi aalukin si Leni ni Duterte ng anumang posisyon sa gobyerno. Napikon si Duterte ng minsan nagsalita si Leni na bigo ang kanyang digmaan kontra droga. Sapat na iyon upang insultuhin si Leni at sa bandang huli, alukin na siya ang gumiya sa giyera kontra droga.
Hindi maganda ang alok. Wala talagang cochair sa ICAD. Hindi nakasaad sa executive order na may cochair sa isang komite na binubuo ng isang dosenang ahensya. Sa madaling salita, gumawa si Duterte ng isang alok na hindi dapat tanggapin ng sinumang nilalang na may sapat na katinuan sa pag-iisip.
Marami ang nagbabala sa Pangalawang Pangulo. Patibong daw ang alok. Ilalagay lamang sa kahihiyan si Leni. Pinakatampok sa mga babala ang pagsasabing ipinapasa lamang ni Duterte ang kanyang kabiguan kay Leni. Sa maikli, walang mapapala si Leni.
Ngunit nakabatay ang pagtanggap ni Leni sa pag-amin ni Duterte na hindi nagtagumpay ang digmaan kontra droga na kanyang inilunsad noong 2016. Bigo si Duterte sa pangunahing programa ng kanyang administrasyon.
May mga netizen na nangatwiran na sapagkat nabigo, walang dahilan si Duterte kundi ibigay na lamang ang programa sa ibang lider, ayusin at bigyan ng panibagong anyo, at muling ilunsad sa ikalawang kalahati ng administrasyong Duterte.
Tinanggap ni Leni Robredo dahil bigo si Duterte sa kanyang digmaan kontra droga. Hindi na nga niya alam kung ano ang gagawin. Patuloy ang pagbaha ng droga sa merkado at mismong ang mga pulis ang napabalitang sangkot sa pagbaha ng droga.
Iginiit ng ilang netizen na nakasalalay ang pagtanggap ni Leni Robredo sa posisyon sa ICAD sa pangangailangan na pangunahan niya ang bagong digmaan kontra droga. Ngayong tinanggap na ang alok na hindi naman dapat tanggapin, ano na ang iuutos ni Duterte kay Leni? Maiging malaman kung ano ang laro.

***

HINDI pa man nag-iinit ang puwet ni Leni sa bagong posi-syon, nariyan na agad si Bong Go at Bato dela Rosa, ang dalawang masugid na alipores ni Duterte. Marami nang sinasabi. Nililiit si Leni sa kanyang kakayahan.
Pinakatampok ang giit ni Bong Go na mukhang “bebeybihin” ni Leni ang mga drug lord. Hindi namin alam kung saan pinulot ni Bong Go ang ganoon obserbasyon. May mga kaibigan si Bong Go na pinaghihinalaan na drug lord.
Marahil, isa ito sa mga dahilan kung bakit walang nahuling malaking drug lord. Isa rin malaking dahilan ang kawalan ng pagnanasang pulitikal (political will) upang ganap na mabaka ang ilegal na droga.
Giit rin ng ilang netizen na walang karapatan na magsalita sina Bong Go at Bato dela Rosa sa pagtanggap ni Leni. Bahagi sila ng nabigong programa. Sapagkat hindi mababatay ang programang ilulunsad ni Leni sa malawakang patayan ng mga adik na maliliit na nilalang, walang karapatan ang dalawang payaso na magsalita.
Ibang digmaan na ito laban sa droga. Ibabatay ito sa pangi-ngibabaw ng batas (rule of law) at hindi sa kuro-kuro ng dalawang payaso.
***
Sapagkat oragon ang Pangalawang Pangulo, hindi katataka-taka na gumawa siya ng sariling paksyon o power center sa mismong koalisyon ni Duterte. Mukhang ito ang kinakatakutan ni Bong Go at Bato. Giit ng ilang netizen na alam ni Bong Go at Bato na mas malakas ang hatak ni Leni kahit magsama pa sila.
Dahil may sariling power center si Leni, hindi malayo na ito ang maging daan upang tumingkad siya sa pulitika. Takot dito si Bong Go na hindi maitago ang paglalaway na maging presidente ng bansa kasunod si Duterte.
Sabi ng aming katotong Philip Lustre: “Alam rin ni Bise Presidente Leni Robredo ang pangangailangan na kunin niya ang political initiative sa mga kalaban na tulad ng mga Marcos, grupo ng Davao City, at iba pa. Alam niya na may sakit si Gongdi at maaaring hindi na ito magtagal. Pinakamaganda na nakaumang na siya sa anumang pagbabago kung mamamatay na si Gongdi.”
Sabi naman ni Hermie Aquino, isang dating mambabatas: “Who knows? VP Leni’s acceptance of the drug position could be THE game changer.”

***
SULYAP SA KASAYSAYAN. Plan B ng gobyernong Duterte ang pagpapalit ng kasalukuyang sistemang unitaryo ng sistemang federal. Nang hindi magtagumpay ang Plan A na magtatayo sana ng revolutionary government, isinulong nila ang pagyakap sa sistemang federal. Hindi rin ito nag-klik.
Isinulong ito noong nakaraang taon sa Kamara de Representante sa ilalim ng pamumuno ni Ispiker Gloria Macapagal-Arroyo. Ngunit pinaglaruan lamang ito ng mga mambabatas. Hindi naman sila seryoso sa isang pagbabago na gugulantang sa bansang Filipinas.
Kahit ang mga economic manager ay hind pumayag sa panukalang pagsusog sa Saligang Batas. Masyadong malaki ang gastos ng gobyerno. Hindi karapat-dapat ang pakulang pagpapalit sa sistemang federal.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close