Calamity funds ng municipal, prov’l ipamigay na

MULING nilinaw ni Department of Health (DoH) Assistant Secretary Dra. Rosario S. Vergiere na ang coronavirus disease ay hindi ‘AIRBORNE’ kundi ito’y kumakalat human to human contact.
Ang paglilinaw ay ginawa ng tagapagsalita ng DoH matapos kumalat sa social media na ang COVID ay isang airborne o dala ng hangin.
Say ni Vergiere, nakukuha ang COVID mula sa paghatsing, pag-ubo, droplets ng taong infected ng virus.
Ito ang dahilan kaya mahigpit na ipinatutupad ang ‘social distancing’, isang metrong pagitan, mula sa ibang tao. Upang sa ganun sakaling humatsing o umubo man ang isang infected ng virus ay hindi ka mahawaan.
Kaya ipinapayo rin ang pagsuot ng facemask pag lumabas ng tahanan, at paghugas ng kamay pagdating sa bahay.
Ang mga simtomas ng COVID ay ubo, lagnat at hirap sa paghinga. Pag nakaranas ng ganito, magpa-checkup agad sa ospital para maagapan ang paglala ng virus at magpa-quarantine na. Mismo!!!

***

Ganap nang batas ang ‘emergency power’ na hinihingi ni Pangulong Rody Duterte upang labanan ang COVID pandemic.
Tinawag itong ‘Bayanihan to Heal as One’ law, nagbibigay ng kapangyarihan sa pangulo sa agarang pagpalabas ng pondo na kailangan para sa ‘frontliners’ at mga  residenteng naka-lockdown dahil sa ipinatutupad na ‘extreme enhanced community quarantine’.
Eh sinu-sino ba itong frontliners? Ito yung mga pulis na nagpapatupad ng checkpoint at umiikot para pigilan sa paggala ang mga tao para hindi mahawaan o makahawa pa ang infected ng COVID, at health workers na nangangalaga sa mga pasyente ng COVID sa mga pagamutan.
P275 bilyon ang pondong nakatakdang ipamahagi ng gobyerno intended sa most affected families na hindi nakapagtrabaho o nawalan ng kita sa araw-araw dahil sa ipinatutupad na ‘lockdown’ sa buong Luzon at iba pang lugar na may kaso ng COVID.
Ang financial assistance ay ipamamahagi ng local government units (LGUs). Ito ay nagkakahalaga ng P8,000, ayon sa mungkahi ng mga mambabatas.
Habang hindi pa naibababa ang financial assistance, ang LGUs ay binigyan ng full authority na gamitin ang kanilang quick response fund o calamity fund matapos isailalim ni Pangulong Duterte sa ‘state of calamity’ ang buong bansa.
Ang problema rito, hindi lahat ng bayan o provincial ay malaki ang pondo, hindi kayang suportahan ang pang-araw-araw na basic needs ng kanilang constituents. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ang maliliit na bayan ay hindi parin nakapagbibigay ng kahit relief goods sa kanilang constituents since magdeklara ng lockdown ang gobyerno noong Linggo, Marso 15, 2020.
Kaya ang paulit-ulit nating hirit ngayon sa gobyerno ay i-distribute na sa LGUs lalo sa mga probinsiya ang tulong pinansiyal upang hindi na lumabas ng kanilang tahanan ang mga tao para maghanap ng makakain ng kani-kanilang pamilya. Mismo!
Sa ating mga kababayan, konting pasensiya pa po… mapapasakamay din ninyo ang tulong ng national govt. Stay calm… God bless sa ating lahat.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *