Lahat namangha sa binatikos na paghahanda | Opinyon

Para kanino ang jeepney modernization program?

Nganga ang lahat sa pagkamangha nang buksan ang seremonyas para sa 30th Southeast Asian (SEA) Games noong Sabado, na tayo o’ ang bansang Pilipinas ang naghanda at nag-host.
Noong una, samut-saring puna, kaliwa’t kanang batikos ang inani ng mga nag-organisa at naghanda ng lahat – pasilidad, pagkain, tutuluyan at sasakyan ng mga atletang galing sa ibang bansa. Binato pa ng isyu ng kurapsiyon ang matagal na at mabilisang pagprepara ng lahat para sa SEA Games.
Ngunit nang ang pambansang kamao na si Senador Manny Paquiao na ang umeksena para liyaban ang kontobersiyal na ‘cauldron’ kasunod ang world class na fireworks sa loob ng bakuran ng Olympic Track and Field sa Athletes’ Village sa New Clark City, lahat ng nanonood, maging ang sumusubaybay sa kani-kanilang telebisyon ay nakaramdam tunay na pagka-Pilipino, na ang nasa isip ay kaya nating lahat ipagyabang na handa ang Pilipinas na mag-host ng ganitong katanyag na palarong palakasan.
Ang iba pa nga ay napaluha sa nasaksihan, ang iba naman ang sabi ay pinanindigan sila ng balahibo sa napapanood at nagaganap na opening ceremony. Patunay na tayo ay nakagawa ng di malilimutang paghahanda para ikahanga ng lahat, na maiiwang alaala para sa ating mga Pilipino at sa mga susunod pang henerasyon na kaya nating ipagyabang ang lahing Pilipino.
Marami pala tayong pwedeng ipagmalaki, ang ating sining at kultura, mga mang-aawit at mananayaw, at ang pinaka-mahalaga ay ang alab sa ating mga puso sa pagkilos bilang magkakaisa.
Napatunayan din ito ng mga sunod-sunod na pag-ani at pagkawagi ng mga medalyang ginto ng ating mga naggagalingang mga atleta.
Ayaw ko namang basagin ang ating mga nararamdaman sa ngayon dahil sa mga papuri ng ginawang preparasyon para sa SEA Games, ngunit ipapaalaala lamang na maging si Pangulong Duterte na nasiyahan sa naganap ay nagpahayag na nais niyang imbestigahan ang mga akusasyon at mga alegasyon sa likod ng paghahanda natin bilang ‘host’ ng nasabing palaro.
Tama lamang na mag-usap-usap muli pagkatapos ng SEA Games, upang maipaliwanag ang mga tamang kasagutan sa libu-libong tanong na ibinato sa kahanga-hangang paghahanda.
Ito ay para na rin mapatunayan natin ang slogan na “WeWinAsOne” ay nakaya pala natin yakapin lahat.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close