‘Birong totoo’ ni Digong kay Bong Go

KINUMPIRMA ni Interior Secretary Eduardo Año na nasa narco list nga ng Philippine National Police ang kontrobersiyal na “hitman” ng drug lords ni Pangulong Rody Duterte na si Lt. Colonel Jovie Espenido.
Si Espenido ay naging tanyag at napabilis ang promotion nang italaga siya sa Albuera, Leyte, na ang partikular assignment ay sugpuin ang talamak na kalakalan ng iligal na droga sa probinsiya.
Napatay ni Espenido ang mga tauhan ng ama ng umaming drug lord na si Kerwin Espinosa.
Samantalang sumuko at nakulong naman ang ama ni Kerwin na si Albuera town Mayor Rolando Espinosa, na napatay naman ng CIDG sa pamumuno ni Col. Marcos sa “search ops” kuno sa loob ng sub provincial jail sa Leyte.
Si Kerwin ay ginawa namang “state witness” matapos tumestigo laban kay Senador Leila de Lima na inakusahang nangikil sa drug lords noong Justice Secretary ang huli. Si De Lima ay tatlong taon na ngayong nakakulong.
Pagkatapos ni Espinosa, itinalaga si Espenido sa Ozamis City para naman durugin ang umano’y drug lord na pamilya Parojinog.
Sa raid, napatay nina Espenido si Mayor Reynaldo Parojinog, misis nito, at mga kaanak.
Tumagal sa Ozamis City si Espenido, kungsaan naging laman na siya ng blind item na sangkot na ito sa kalakalan ng iligal na droga. Naging protektor na raw ito ng drug lord na kalaban ng Parojinog.
Pero sa kabila nito, inilipat si Espenido sa “shabulized city” ng Bacolod. Ngunit hindi nagtagal ay ni-relieve at pumutok na nasa narco list ito.
Pinabulaanan pa ni Presidential Spokesman Sal Panelo na nasa narco list si Espenido. Malabo raw mangyari ‘yun.
Pero nung Huwebes, sa panayam ng media, inamin ni Sec. Año na nasa narco list nga ang controversial “hitman” ng drug lords.
May isa pang Heneral ang umano’y nasa narco list. Kung sino man ito, ayaw pang ianunsyo ni Sec. Año.
Pero ang isang heneral na ni-relieve ay ang regional director ng Region 7, si Gen. De Leon.
Sa takbo ng mga pangyayari ngayon, tila lahat yata ng “pinagkakatiwalaan” ni Pangulong Duterte ay sangkot sa droga.
Remember retired PNP Chief Oscar Albayalde? Ilang buwan bago ang kanyang mandatory retirement ay napilitan siyang mag-resign sa puwesto nang makalkal ang pagiging protektor n’ya ng “ninja cops”, mga pulis na sangkot sa hulidap ng drug lords.
Si Albayalde ay backup ng kanyang kaklase sa PMA ng nagretirong Chief PNP ngayo’y senador Ronald “Bato” Dela Rosa na sobrang dikit kay Pangulong Duterte.
Sa panahon ni Pangulong Duterte, sa kanyang ‘war on drugs’ ay napakaraming napatay na drug pushers/adik. Sa datus ng PNP higit 5,000, pero sa bilang ng human rights groups higit 20,000 na.
Ang masaklap dito, ang malalaking taong sinasabing sangkot sa pagpasok at pagpakalat ng shabu sa bansa ay nakalalaya, ang mga nakulong naman ay VIPs sa selda. Tulad ng nag-import ng P6.4 billion shabu na nahuli sa isang warehouse sa Valenzuela City. Ang mga taong nasa likod nito ay mga kaibigan ng mga anak ni Pangulong Duterte.
Ang umano’y biggest drug lord sa Visayas na si Peter Lim, na nag-courtesy call pa sa Pangulo sa Malakanyang, ay nasa laya rin, hindi matagpuan. Ewan!
Tapos bumabaha ngayon ang pasok ng droga sa bansa. Marami rin naman ang nahuhuli, pero mas malaki ang naipapakalat. Tapos pag natumbok ang mga nasa likod ng kontrabando, mga “hitman” pala ng administrasyon ang protektor. Yawa!
Kaya kumbisido na ako ngayon na “failure” nga ang war on drugs ng administrasyong Duterte. Na ang mga napapatay ay sacrificial lamb lamang para mapagtakpan ang malalaking tao na nasa likod ng pagpapakalat ng iligal na droga.
May higit 2 years pa si Pangulong Duterte para linisin ang kanyang administrasyon at tapusin ang problema sa droga sa bansa.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *