NAREKOBER na ng mga awtoridad ang itim na Toyota Avanza ng pinatay na babaeng grab driver sa Lucena City, na isinanla umano ng suspek sa isang kakilala sa lalawigan ng Quezon.
Matatandaan na natagpuan ang bangkay ng biktimang Grab driver na si Maria Cristina Palanca sa isang condo sa Barangay San Andres, Cainta Rizal kamakalawa.
Ayon kay Police Lt. Col. Alvin Consolacion, hepe ng pulisya, natagpuan ang sasakyan ni Palanca sa Lucena, Quezon, matapos itong isangla ng suspek na si Paolo Largado sa isang kakilala.
Si Largado ang itinuturing na pangunahing suspek sa pagpatay sa biktima.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, Huwebes, May 23, nang huling maghatid ng pasahero ang biktima patungong Pasig City mula sa Mandaluyong City. Matapos maghatid ng pasahero ay nagpunta ang biktima sa condominium unit ni Largado sa Barangay San Andres, at mula noon ay hindi na umuwi si Palanca.
Linggo nang matagpuan ang naaagnas na bangkay ni Palanca sa ilalim ng lababo ng condominium, matapos magreklamo ang ibang nakatira sa condo ng mabahong amoy na nagmumula sa isang unit.
Inaalam na ng awtoridad kung mayroong relasyon ang biktima at suspek na patuloy na pinaghahanap ng mga tauhan ng PNP.
(Edwin Moreno)

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *