JUDAY mas feel ng fans na bida kesa kontrabida

MALAKI ang  naitulong sa  career ni Katrina Halili sa namayapang director na si Maryo J. delos Reyes. Matagal niya itong naging mentor at sobrang bilib si Kat sa matiyaga nitong pagtuturo on how to act, to emote sa mga eksenang ginagampanan niya sa pelikula at teleserye. Naging tunay na aktres si Katrina dahil kay Direk Maryo. Kaya ‘pag may time siya, pinupuntahan niya ang kanyang mentor sa sementeryo para magpasalamat.
Sa pinakabagong teleserye niya sa GMA, ang Prima Donnas after Magkaagaw, marami ang bumilib sa kanya sa husay niya sa pagganap. Buong maghapon siyang pinapaiyak ng kanyang director sa nasabing serye sa papel niyang si Lilian, ang mabait na surrogate mother ng triplets na ginagampanan nina Jillian Ward, Sofia Pablo at Althea Ablan. Matagal niyang hinanap ito at sa wakas nagkita rin silang mag-iina noong nakaraang linggo para sa episode nito.
“Feel na feel ko ang papel ko bilang si Lilian sa Prima Donnas. Ang sakit sa dibdib ang matagal na paghahanap sa mga nawawala kong mga anak.
“Bilang isang ina sa tunay na buhay, kung sa anak kong si Katie nangyari ito, baka maloka na ako. Malaking tulong sa career ko ang pagiging isang ina ko. Hindi ko maibibigay nang todo ang tamang pagganap kung wala pa akong karanasan. Natutuwa naman ako at lumalawak ang aking pagganap. Naranasan ko na ang maging kontrabida sa mga nakalipas kong teleserye. “Wala akong ginawa kundi tumalak, manadyak, galit at nananakit sa mga bida, pero dito sa Prima Donnas, talagang ang bawat eksena ko ay umiiyak at nagmamakaawa para lang makita ko ang aking mga anak.
“But between drama and kontrabida, I like both! Trabaho lang ito at kailangan kong gampanan para sa magandang future ng my only daughter na si Katie,” wika ng aktres.
Exactly seven years old na ngayon ang anak ni Kris Lawrence kay Katrina na si Katie. Pero hanggang ngayo’y wala pa ring nababalitang bagong boyfriend si Kat samantalang si Kris ay meron na, si Joyce at may baby boy na rin sila.
Nang itanong kay Kat kung hindi ba siya nalulungkot dahil wala pang lovelife, agad itong nag-react sabay sabing, “Hindi ako after sa bagong karelasyon, at hindi rin ako naghahanap dahil and’yan naman si Katie na tanging inspirasyon ko sa buhay. “Kahit hindi ako mag-boyfriend masaya ako! Isa pa, wala naman akong paki kung may anak si Kris kay Joyce. “Magkaibigan naman ang turingan namin. Kani-kanya kami ng pamilya, walang problema sa akin ‘yon.”
Maganda ang hiwalayan nina Kris at Katrina. Nangako sila sa isa’t isa na sino man ang maunang magkaroon ng karelasyon, mananatili pa rin silang magkaibigan. Ganoon nga ang nangyari, nang magkaroon ng girlfriend si Kris at maanakan si Joyce, mas naging close pa sila. Dinadala pa ni Kris ang anak niya sa bahay ni Kat to meet his daughter Katie. Tuwang-tuwa nga si Katrina kapag nakikitang naglalaro ang magkapatid na katunayan, sabi raw ni Katie sa nanay niya kung kelan siya bibigyan ng kapatid. Sinabi naman ni Katrina sa anak na, “O, anak, meron ka nang kapatid (referring to Kris’ son) kaya ‘wag mo na akong hihingan ng kapatid mo.”
Kahit walang bagong lovelife si Katrina, masaya naman sila ni Kris dahil magkasundong-magkasundo sila dahil sa kanilang mga anak.

***

STARLA, NAMA-MAYAGPAG
HAPPY si Judy Ann Santos dahil patuloy sa pamamayagpag ang kanyang bagong teleserye na napapanood sa Kapamilya Network, ang Starla.
Ayon sa balita, tinalo na raw nito sa ratings ang katapat na seryeng The Gift ni Alden Richards. Pero sa ngayon, halos magkapantay na raw ang dalawang sikat na teleserye ng dalawang higanteng network.
Tama naman ang sabi ng iba na paganda na ang The Gift, lalo na nang mabulag si Alden na kung anu-anong pangitain ang nakikita na nagkakatotoo naman. Samantala, ang Starla naman ni Juday, gusto ng mga bata lalo na ang eksena na nagpapakita ang hugis star na may batang nagsasalita. Nagustuhan din ng netizens ang bida/kontrbida role ni Juday na first time niyang ginawa.
Mas gusto pa rin ng fans na bida ang role niya, hindi sila sanay na maging kontrabida ang misis ni Ryan Agoncillo.
Matatandaang two years din naimbak ang Starla ni Judy Ann. Dapat sana mas nauna pa ito sa My General’s Daughter ni Angel Locsin, but due to some avoidable reasons, hindi ito naipalabas dahil walang makuhang timeslot.
Pero laking suwerte rin dahil patuloy sa pag-rate ang nasabing teleserye. Congrats Juday! Congrats din kay Alden sa galing ng performance niya sa The Gift at sa magandang ratings nito. Yun na.

  • 5
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    5
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close