“NO FACTUAL basis”. Maraming legal expert ang nagsasabi na malamang kaysa hindi, agad-agad na ididismis ng Supreme Court ang quo warranto petition (QWP) na inihain sa Supreme Court ni Solicitor General Jose Calida laban sa ABS-CBN. Sabi ni Constitutional lawyer Tony La Vina, maling-mali si SolGen na sa SC isampa ang kahilingan na i-revoke o ibasura ang prangkisa ng higanteng TV-radio network – na matatapos na sa Marso 30.
Maging si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ay sang-ayon na walang basehan ang petisyon ni Calida dahil ang QWP ay maikakapit lamang sa isang tao, tulad ng nangyari sa nasibak na dating Chief Justice Lourdes Sereno. Pero sa isang kompanya na may prangkisa, hindi ito pupuwede.

***

Isa pa, maliwanag na paninikil ito, isang panggigipit dahil ang renewal ng franchise ng ABS-CBN ay nasa Kongreso na at ikakalendaryo na upang pag-usapan. Sa QWP, inaalisan ni Calida ng karapatan ang Congress, dahil Congress lamang, hindi rin ang Supreme Court, ang may kapangyarihan na magbigay o mag-alis ng legislative franchised sa radio at TV network.
Pagsupil ito, pagpatay sa kalayaan sa pamamahayag ang QWP ni Calida dahil sabi sa Section 4 ng Constitution “No law shall be passed abridging the freedom of the press, of speech, of expression xxx”. Mali rin si Calida, sabi ng mga nakausap kong experto sa batas na kung may paglabag ang ABS-CBN sa prangkisa nito, at sa paratang na ito ay may saping-salapi ng dayuhan, ang petisyon ay dapat na isampa sa Securities and Exchange Commission at sa National Telecommunication Commission, hindi sa SC.
Now, tungkol sa sinasabing utang daw, may inilabas na certification ang Bureau of Internatl Revenue na sa loob ng maraming taon, matapat na nagbabayad ng buwis ang ABS-CBN na bilyon-bilyong piso. Ipagpalagay na may utang nga, kasuhan at idaan sa proseso ng batas, pero hindi ang ito ay gipitin.
May ipinahihintulot ang batas para ang mga utang at hindi nababayarang buwis ay patawan ng penalty at iba pang parusa, pero hindi ang pagre-revoke ng franchise o ang pasasara. Hindi ipinasara ang PAL ni Lucio Tan at ang Mighty Corp. na nagbayad ng utang?
Bakit ang POGO (Philippine Online Gaming Opetations) ng mga Chinese na may trilyong pisong utang sa gobyerno ay hindi inuusig at ipinasasara – dahil “friends” sila at “enemy” ang mga may-ari ng ABS-CBN? Panggigipit ito, paghihiganti, at pagsikil sa freedom of the press and of speech.

***

Paghihiganti ito sa ABS-CBN, sa kaso ni SolGen. Calida. Isa ang TV & radio network na ito na umupak sa conflict of interest ni Calida at ang pamilya nito na maraming kontrata sa gobyerno. Udyok ng matinding galit, marahil ang isa sa mga dahilan kaya ginigipit ni Calida ang ABS-CBN.
Ubra pang magpatuloy ang Channel 2 at DZMM radio station ng ABS-CBN kung mabigo ito na mai-renew ang prangkisa sa Marso 30. Pwede sabi ni House Legislative Franchises Committee Vice Chairman Isabela Cong. Tonypet Albano. Hindi raw automatiko na maisasara agad ang estasyon sa Mayo.
Kasi, sa ilalim ng rules, maaaring maipagpatuloy ang opera-syon ng isang estasyon o corporation kung matapos na ang franchise habang ito ay may nakasubong aplikasyon sa loob ng panahong itinatakda na magsumite ng kahilingang aprubahan ang prangkisa.

Sabi ni Albano, “xxx ther rule of thumb … is that while 18th Congress is still ongoing they can continue to operate until the end of this Congress or until 2022.” At handa raw silang talaka-yin kung itutuloy o hindi na bibigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

***

Kung magsasara ang Channel 2, kawawa ang libo-libong kawani ng estasyon tulad ng mga reporter, cameraman, news writers at iba pang talents ng kanilang maraming programa sa radio at telebisyon. Saan kukuha ng ikabubuhay ang kanilang mga pamilya, Ang dami ngang jobless na Pilipino, madaragdagan pa.
Hindi ganyan ang nais ng Pangulo: mahal na mahal niya ang mamamayang Pilipino.

***

Apektado nga ang freedom of the press dito, kasi kung ang isang malaking network ay kayang gipitin, paano na ang maliliit na media firms? Kayang-kayang durugin basta napag-initan. Tulad ng panawagan ng maraming grupo ng media sa bansa – NUJP, Defense Corps, mga city and provincial press corp., nanawagan kami sa Congress na dinggin – as soon as possible — ang franchise renewal ng ABS-CBN bago ito mag-recess sa Marso 13.
Napakalaki ng serbisyong ibinibigay ng ABS-CBN sa mamamayang Pilipino. Bahagi na ito ng kamalayang Pilipino kaya dapat itong mabigyang muli ng franchise – In the Service of the Filipino!

***

PAGTANGGI ba na magbigay ng suhol ang dahilan kaya pinasabog ang pampasaherong bapor na M/V Virgen de Penafrancia VI sa pier ng San Pascual, Masbate noong Martes (Peb. 11) ng umaga ay pinasabog? Salamat at walang nasaktan sa pagsabog, ayon kay San Pascual police commander Police Captain King Ashvin Capurcos.
Sa panayam ng media, sinabi ni Mrs. Merian Reyes, may-ari na noong Enero 29, 2020, isang “Lito Miranda” na nagpakilalang tao ni San Pascual Mayor Maxim Lazaro ang nagpunta sa opisina ng Star Horse Shipping Lines sa Lucena at kinausap ang kanyang operations manager na si Nodelon Nob-lezala.
Inamin ni Mayor Lazaro kung totoo na inutusan niya si Lito Miranda, na nagtatrabaho sa kanyang legal team para kausapin si Noblezala. Gusto raw ni Miranda ay itaas at gawing P250 o P270 ang pamasahe mula P220 hanggang P250. Umano, pambayad sa protection racket ng alkalde. Sabi ni Mayor Lazaro ay nagkaroon lamang ng miscommunication at wala siyang hini-hinging ‘protection money.’
“Missionary route” ang biyahe ng San Pascual, Masbate to Pasacao, Camarines Sur, sabi ni Mrs. Reyes. Lugi sila sa biyahe pero itinutuloy nila, kasi iyon ay isang public service at kaawa-awa ang mahihirap na pasahero kung itataas nila ang pa-masahe.
Nanawagan si Mrs. Reyes na tulungan siya ni PNP chief General Archie Gamboa, DOTr Secretary Arthur Tugade, lalo na kay Presidente Rodrigo Roa Duterte na tulungan siya upang hindi mapinsala ang isa sa magandang transportasyong pinakikinabangan ng mga taga-Burias Island.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *