ISLA NG TAAL ‘GHOST TOWN’ NA!

NASA halos 20,000 individuals na ang inilikas kahapon ng hapon ayon sa monitoring ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sinabi ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal na posibleng tumaas pa ang bilang ng evacuees dahil ongoing ang ginagawang evacuation.
Ito ay kasunod sa nagpapatuloy na ballistic activity ng bulkang Taal simula Linggo ng tanghali.
Sinabi ni Timbal na mahigpit nilang mino-monitor ang aktibidad ng Taal dahil sa sandaling mangyari ang magmatic eruption ay napakadelikado na nito.
Kaya hinimok ang mga residente na nakatira sa lugar na nakapaligid sa crater ng Taal na magsilikas na dahil may mga ibinubuga na itong magma.
Simula kahapon ng hapon, itinuturing nang ghost town ang mismong volcano island maging ang Laurel town at ilan pang lugar.
Una nang inirekomenda ng DOST-Phivolcs ang total evacuation sa Volcano Island at sa loob ng 14-kilometers radius at sa mga kalapit na high-risk areas.
Umapela naman ang NDRRMC sa mga miyembro ng media na huwag na magtungo sa bahagi ng Talisay dahil ikinokonsidera na itong danger zone. Maaari aniyang i-monitor ang aktibidad ng bulkan sa may bahagi ng Tagaytay.
Pinaalalahanan din ni Timbal ang mga tao na gumamit ng facial mask dahil delikado sa kalusugan ang malalanghap na abo na ibinubuga ng bulkan.
Dahil unstable pa ang aktibidad ng bulkan, hindi papayagan ng pamahalaan na makabalik ang mga residente sa kanilang mga tahanan, delikado.
Isinagawa narin ang response cluster meeting sa operation center sa Camp Aguinaldo na pinangunahan ni Phivolcs director at DOST Usec. Renato Solidum, nagbigay ng briefing kaugnay sa aktibidad ng bulkan na nasa Alert Level 4.
Aniya, mataas ang posibilidad na magkaroon umano ng major eruption na siyang delikado.

  • 4
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    4
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *