Inspirado ang mga atletang Pinoy... PINAS HATAW SA GOLD MEDALS!

Inspirado ang mga atletang Pinoy... PINAS HATAW SA GOLD MEDALS!

HUMATAW pa kahapon ang mga atletang Pinoy sa day 4 ng 30th Southeast Asian Games na ginaganap sa bansa.

Ganadong-ganado ang koponan ng Pilipinas sa paghakot ng gold medals para sa pinapangarap ng bansa na maideklarang overall champion sa biennial meet.
Bandang 6:00 kagabi ay mayroon nang 54 gold medals, 36 silvers at 21 bronze para sa kabuuang 111 medalya ang Pilipinas, malayo sa pumapangalawang Vietnam (23-28-30) at nakabuntot ang Malaysia (20-9-19).
Unang araw pa lamang ng SEA Games nung Linggo ay nalagpasan na agad ng Pilipinas ang 24 gold medals na nakuha ng mga atetang Pinoy sa 2017 SEA Games sa Malaysia. Nakarami ang Pilipinas nang mawalis ang 14 gold medals sa arnis, 10 sa dancesports, 2 sa wushu, 2 sa gymnastics at iba pang gintong medalya mula sa iba pang sports events.
Target ng Pilipinas na malagpasan ang all-time high gold medal haul ng bansa noong 2005 na umabot sa 112.
Ang 2005 SEA Games ay ginanap din noon sa bansa. Pagkatapos nito ay hindi na nakabawi ang Pilipinas sa performance sa biennial meet dahil noong 2017 ay 24 gold medals lamang ang nakopo, 38 noong 2009, 36 noong 2011, tig-29 noong 2013 at 2015.
Umaasa ngayon ang organizers ng SEA Games at sports officials ng bansa na muling masungkit ng Team Philippines ang kampeonato sa palaro dahil sa mga bagong tatag na sports facilities na olympic standard gaya ng sports stadium at aquatic center sa New Clark City sa Tarlac.
Ayon mismo sa mga atleta, inspirado silang makipaglaban sa kani-kanilang sports events dahil sa suporta sa kanila ni Pangulong Rody Duterte at sambayanang Pilipino. Ganado rin sila dahil dumarayo ang mga kababayang Pilipino sa iba’t ibang sports venues upang manood at magbigay suporta sa kanila.
Tinukoy din ng mga ito ang napaka-bonggang opening ceremony sa Philippine Arena sa Bulacan at ang nakakabinging hiyawan at palakpakan ng mga manonood nang pumarada sa entablado ang mga manlalarong Filipino.
Maging ang Olympic Committee of Asia (OCA) ay napabilib sa hosting ng Pilipinas sa SEAG. Kaya hinikayat ni OCA Vice President Jizhong Wei ang Pilipinas na mag-bid na para sa 2030 Asian Games.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close