WALANG PAKI

ISANG malaking pagkakamali ang pagtuligsa ni Sara Duterte, na isama ang awiting “Manila, Manila’ sa pagbubukas ng SEA Games sa Philippine Arena noong Sabado. Sa napalimitadong pananaw ng alkalde ng Davao City, hindi dapat ginamit ang awitin sapagkat hindi nito kinatawan ang Filipinas. Umugat ang kanyang kritisismo sa matinding galit sa mga bagay na nagpapakita ng pangingibabaw ng Maynila sa maraming bagay.
“Imperial Manila” ang taguri ng mga taga-Mindanao at ilang bahagi ng Kabisayaan sa pangingibabaw ng Maynila sa pulitika, siyensiya, komersiyo, batas, sining, at iba pang larangan at aspeto ng pamumuhay sa Filipinas. Ito ang dahilan kung bakit matindi ang inggit at galit ng ilang mamamayan (hindi lahat) sa ganitong sitwasyon. Sa kanilang limitadong tingin, wala silang sapat na pagkakataon upang sumikat, mangibabaw, o magkaroon ng puwang sa ilalim ng araw.
Sa kanilang pakiwari (isang bagay na walang sapat na batayan), dominado ng mga taga-Maynila ang iba’t ibang larangan ng pamumuhay. Napag-iiwan ang mga taga-Mindanao at Kabisayaan sa mga biyayang tinatamasa umano ng mga taga-Maynila. Sa tingin ni Sara, pinagtatawanan at inaapi sila ng mga taga-Maynila. Kailangan niya kasing manatili sa Davao City upang magkaroon ng sari-ling puwang sa lipunan.
Ang problema ng ganitong pananaw ay lubha itong mababaw at salat sa batayan. May mga magandang paliwanag ang mga historyador, mamamahayag, at mga siyentipiko sa lipunan. Ang totoo anila ay ang tinatawag nilang Imperial Manila ay hindi na limitado sa Maynila, o Metro Manila, o iyong tinatawag na National Capital Region kung saan matatagpuan ang maraming gusali at establismiyento ng pamahalaan.
Ayon kay Dr. Zeus Salazar na gumugol ng mahabang panahon bilang isang haligi ng disiplina ng kasaysayan sa pamosong University of the Philippines (UP), isinasama ng sinasabing Imperial Manila ang mga rehiyon at lalawigan mula sa buong Ilocos at Cagayan Valley sa hilaga hanggang sa kabuuan ng Kabisayaan sa katimugan. Pumaimbulog na ang mga rehiyon at lalawigan sa hilaga at timog ng Maynila bilang bahagi ng isang malaking Kamaynilaan.
Maraming guro, sundalo, at iba pang lingkod bayan sa buong Ilocos at Cagayan Valley (Cagayan, Isabela, Nueva Viscaya, at Quirino) ang palaging nasa Metro Manila dahil sa maraming bagay. Hindi nalalayo ang mga magsasaka at manggagawa ng Central Luzon at Southern Tagalog sa Kamaynilaan dahil ito ang pangunahing pamilihan ng kanilang mga pananim.
Sa mahabang panahon, pumaimbulog na ang konsepto ng pagiging Filipino. Hindi na ito ang pagiging tribu kundi ang katapatan at pagmamahal ay sa bansang Filipinas at hindi sa lalawigan o rehiyon na kanyang pinagmulan. Bagaman tinatawag ng isang tao ang sarili bilang Kapampangan kung galing sa Pampanga o Tarlac, o Ilonggo siya kung galing siya sa Negros Occidental at anuman sa apat na lalawigan ng Panay – Iloilo, Capiz, Antique at Aklan, mas pinaninindigan nya ang kanyang sarili bilang Filipino.
Sa kanyang pakikipagtalastasan sa mga banyaga o maging sinuman, hindi nya tinatatakan ang sarili bilang isang Ilocano, Tagalog, o Waray-Waray. Mas kilala niya ang kanyang sarili bilang Filipino.
Ganito ang paliwanag ni Dennis Garcia, ang isa sa dalawang kumatha ng Manila, Manila. Hindi nila naisip ang kanilang mga sarili bilang mga Manilenyo o Tagalog. Iniisip nila ang mga sarili bilang mga Filipino. Sapagkat nasa ibayong dagat sila nang kathain ang awitin, isinalarawan ng kanilang mapanglikhang galing ang pangungulila sa sariling bayan. Ang Maynila ay ang Filipinas. Ganyan kasimple.
Bakit hindi nasama ang mga taga-Mindanao sa pag-imbulog ng Maynila bilang ang kabuuan ng Filipinas? Magandang tanong ito.
Ayon kay Dr. Bayani Santos Jr., isang guro, mananaliksik, at mamamahayag, lubhang naging abala ang mga taga-Mindanao sa maraming kaguluhan at hindi pagkakaunawaan na bumalot sa halos kabuuan ng Mindanao. Mga Kristiyano laban sa mga Muslim; mga Muslim laban sa mga Lumad; mga Lumad laban sa mga Kristiyano. Magulo rin ang mga Kristiyanong pumunta sa Mindanao; may mga grupo ng Tagalog, Cebuano, at Ilonggo.
May iringan ang Maranao, Tausug, Samal, at Maguindanao, na bumubuo bilang pinakamalaki at maimpluwensiyang grupong etniko Muslim doon. Hindi lubos na nagkakaisa ang mga Lumad (ka-tutubong grupong etniko) sa silangan at kanlurang bahagi ng Mindanao. Lahat halos ng mga grupo sa Mindanao ay may armas sapagkat matining ang paniniwala na ang sandata ang pinakamabisang depensa sa sarili.
Samantala, hindi kailangan ang armas sa Kamaynilaan ni Dr. Zeus Salazar. Kapag nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan si Tagalog at Waray, nag-uusap lamang sila sa wikang Filipino (o pinalapad na Tagalog) at sa sandaling nagkaroon ng solusyon sa mga iringan, nagpakuha ng mga bote ng serbesa at nag-iinuman. Ganyan si Kapampangan at Ilonggo. Hindi rin nalalayo si Ilocano at Bicolano. Hindi kailangan ang sandata. Matinong pag-uusap ang kani-kanilang sandata.
Ito ang dahilan kung bakit hindi nag-klik ang isinusulong na pagyakap sa sistemang federal bilang kapalit ng kasalukuyang unitaryong pamahalaan. Mali ang batayan ng panukalang sistemang federal. Hindi naman kasi totoo ang Imperial Manila. Hindi ito tinanggap ng maraming Filipino bilang batayan.

***

HINDI namin alam kung bakit nagpupuyos ang galit ng tila nababaliw na si Rodrigo Duterte kay Bisa Presidente Leni Robredo. Nananahmik ang Pangalawang Pangulo, ngunit panay ang dakdak ng lider na pinaniniwalaang nawawala ang katinuan ng pag-iisip. Isa lamang ag sagot ng Bise Presidente sa mga anlalai ni Duterte: Ibibisto niya sa tamang panahon ang mga impormasyon na naka-lap niya tungkol sa huwag na digmaan kontra droga.
Sa madaling salita, kinupumpirma ni VP Leni ang mga kalokohan ng gobyerno ni Duterte sa pekeng digmaan sa droga. Mukhang kasangkot ang tinatawag na “Davao Group” at ilang kasapi ng kanyang pamilya sa kalakalan at pagbibigay proteksyon sa mga sindikato ng mga panginoong ng droga. Abangan ang Pangalawang Pangulo.

***
QUOTE UNQUOTE: “Ang kritisismo sa mga kurakot at bok-yang organizer ng SEA Games ay walang kinalaman sa mga atle-tang Pilipino. Hindi mga kurakot ang mga atleta. Sila pa nga ang mga biktima ng korupsiyon. Ayusin ninyo ang lohika niyong kulang sa sustansiya.” – Miyako Isabel, netizen
“Mukhang itong si Frankie Pangilinan ang sasabak sa politika. May tapang ang bata. Hindi takot sa mga DDS at kay Digong. Sa totoo lang, ‘yan ang gusto ko sa mga Gen Z. Hindi basta-bastang nagpapauto. Parang gusto nilang dinggin din sila. Sana kayo ang magpapabago sa Pilipinas.” – Miyako Isabel, netizen
  • 4
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    4
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close