Digong very hapi sa takbo ng SEA Games | Opinyon

Puros ‘blind items’ ang press release ng PDEA

SOBRANG saya, napaindak at napapalakpak ng todo si Pangulong Digong sa naging takbo ng opening ng SEA Games nung Sabado ng gabi sa indoor ng dambuhalang Philippine Arena sa Bulacan.
Lalo pang natuwa, nag-uumapaw na galak ang naramdaman ng Pangulo nang makasungkit agad ng 24 gold medals ang mga manlalarong Pinoy sa day one ng competion nung Linggo at nagpatuloy ang pamamayagpag kahapon, kungsaan nasa top 1 ng overall standing ang Pi-lipinas laban sa 10 bansa na kalahok sa SEA Games.
Oo! Mantakin mo mga igan, dalawang oras lang pala ng SEA Games opening show ang kinailangan para supalpalin ang mga nambabatikos at pumupuna sa pagho-host ng ating bansang Pilipinas sa biennial meet na ito.
Talagang natulala at nalaglag ang panga ng samba-yanang Pilipino sa opening show ng SEAG na dinaluhan ng libu-libong tao. Si Pangulong Duterte ay napatalon sa tuwa sa kanyang nasaksihan. Yes! my dear… pumapalakpak si Digong sa pagrampa ng koponan ng Pilipinas sa entablado. Napaindak pa ito sa musika na “Manila” ng sikat na Hotdogs. Sabi nga ng maraming Pinoy, nagtala ng “Duterte move” si Digong sa pag-indak nito sa opening night. Hehehe…
Kaya naman puring-puri ni Digong ang organizers, performers at volunteers na nasa likod ng naturang pagtatanghal. Isang gabi ng pagpapakita ng kulturang Pinoy at pagkakaisa ng lahing Pilipino ang nangyari sa opening nite. Lahat ay tumayo at nagbigay pugay sa mga atletang Pinoy. Hindi magkamayaw ang sigawan at hiyawan ng nasa loob ng Philippine arena bilang pagsuporta sa mga manlalaro ng SEA Games.
Ayon nga kay Presidential spokesperson Salvadot Pa-nelo, isang palabas ng pagkakaisa ng mga Pilipino ang opening night dahil dumagsa ang mga manonood nito mula sa iba’t ibang estado ng buhay at iba’t ibang grupong politikal upang suportahan ang mga atletang Pinoy.
Kaya naman tumahimik at nabutata ang mga nagpalipad ng puna at batikos sa SEA Games. Baka maging sila ay natulala at napahanga kung paano ginanap ang SEA Games opening.
Sino ba naman ang hindi mamamangha at hindi lalambot ang puso sa pagrampa sa entablado ng walong sporting legends na sina Bong Coo, Alvin Patrimonio, Lydia de Vega, Eric Buhain, Akiko Thompson, Paeng Nepomuceno, Onyok Velasco at Efren ‘Bata’ Reyes?
Nakakapanindig balahibo nang isa-isa na silang ipakilala habang hawak nila ang bandila ng SEA Games.
Kaya maging ang sikat na The Strait Times ng Singapore ay hindi pinalampas ang naturang okasyon at inilathala sa kanilang pahayagan na dalawang oras lang ang katapat upang mabura ang mga negatibo at mapanirang balita na ibinato sa 30th SEA Games sa nagdaang ilang araw.
Kaugnay nito, umaasa ang Palasyo na magsisilbing inspirasyon at tutularan ng ibang bansang nakatakdang mag-host ng SEA Games sa susunod na mga taon ang hosting ng Pilipinas sa naturang palaro.
Kaya itigil na ng mga kritiko ang mga pamumuna sa SEA Games, bagkus ay suportahan ang ating mga manlalaro na ganadong-ganado ngayon sa kani-kanilang events.
Sa unang araw pa lang ng kompetisyon ay nakapagtala na ng 23 gintong medalya ang Pilipinas para sa top 1 ng overall medal standings.
Inaasahan ng organizers at sports officials ng Pilipinas na makokopo ng ating bansa ang over all championship sa 30th SEA Games.
Mabuhay ang Pilipinas! Fight! Fight!! Fight!!!

  • 5
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    5
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close