BUONG BATANGAS ‘UNDER STATE OF CALAMITY’

IDINEKLARA na kahapon ng hapon ng Sangguniang Panlalawigan of Batangas ang pagsailalim sa “state of calamity” ng buong lalawigan.
Ito’y matapos hikayatin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal na bilisan ang deklarasyon.
Sa ginanap na Taal Volcano inter-agency coordination meeting, sinabi ni DILG Usec. Epimaco Densing na ito ay upang magamit na ng LGUs ang kanilang calamity funds at matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga mamamayan.
Kasabay nito, inatasan narin ni Densing ang Bureau of Fire Protection na tumulong sa gagawing road clearing operations sa mga lugar na nalubog sa putik makaraang maghalo ang tubig at abong ibinubuga ng bulkan.
Isa sa mga bayang lubhang apektado ng pagputok ng Bulkang Taal ay ang bayan ng Laurel, Batangas.
Kaya naman, humingi ng tulong si Laurel Mayor Joan Lumbres-Amo na kailangan pa nila ng karagdagang mga rescue vehicle dahil hindi sila makahanap ng gasolinahan para malagyan ng krudo ang kanilang mga sasakyang gagamitin sana sa paglikas.
Sinabi naman ni Alfonso, Cavite Mayor Randy Salamat na handa ang kanilang bayan na tumanggap ng evacuees mula sa apektadong mga lugar.
Sinabi naman ng Department of Social Welfare and Development na dadalhin na sa apektadong mga lugar ang ipapamahaging 5,000 food packs at sleeping kits kahapon.
Inihahanda narin nila ang isa pang batch ng food packs na aabot ng hanggang 10,000 at ipapamigay sa mga apektadong mamamayan ng mga bayan sa Batangas.

  • 3
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    3
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *