HINAMON ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go si dating Senador Antonio Trillanes IV na magpakalalaki at harapin ang kasong sedisyon na isinampa laban sa kanya at kinatigan ng Department of Justice (DOJ) noong Lunes.
Ayon kay Go, dapat panagutan ni Trillanes ang kanyang mga naging aksyon laban sa kanya at kay Pangulong Duterte.
Ani Go, nilapastangan ni Trillanes ang kanyang reputasyon, ni Pangulong Duterte at pamilya nito noong nakaraang halalan sa pamamagitan ng pag-aakusa nang wala nang matibay na basehan.
“Style nya ‘yan eh, dudumihan nya po ang kalaban niya para siya ang pumuti, ‘yon ‘yung ginawa niya na paninira. Managot ka. Kung ano ‘yung kaso na na-file sa iyo, panagutan mo, sagutin mo sa korte,” ani Go nang tanungin hinggil sa kasong sedisyon laban kay Trillanes.
Ayon sa senador, maging ang iba pang sangkot at kasabwat ni Trillanes sa paglulunsad ng black propaganda laban sa kanya noong campaign period ay dapat ding makasuhan at maparusahan.
“Alam naman natin sino ‘yung nasa likod noon eh. Dalawang beses, ako mismo ang biktima noon, ‘yung Bikoy na ‘yan. Dalawang beses n’ya po akong pinaghubad, nagsalita na ang taumbayan,” aniya.
Kinatigan at idiin ng DOJ si Trillanes at 10 iba pa na nagsabwatan sa paggawa ng “Ang Totoong Narcolist” video blogs na kumaladkad sa First Family at kay Go sa illegal drug trade sa bansa.
“So pinaghubad mo ako ng dalawang beses, ngayon ikaw Trillanes hubarin mo ‘yung dumi mo sa mukha mo. Hindi mo maloloko ‘yung tao sa paninira mong ‘yan. Matalino ang Pilipino. Alam nila kung sino ‘yung naninira, sino ‘yung nagre-resort to black propaganda, dudumihan ‘yung kalaban para siya ay pumuti. Kahit anong gawin mong pagpapaputi… wala nang maniniwala sa’yo,” ang resbak ni Go.
Sa kabilang dako, nirerespeto ni Go ang naging desisyon ng DOJ na iabsuwelto si Vice President Leni Robredo at iba pang Obispo sa kasong sedisyon.
“Nasa prosecution na po ‘yan at nirerespeto naman natin. Kung walang kinalaman, eh ‘di wala. At kung sino may kinalaman, managot,” anang senador.

  • 1
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    1
    Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *