PATAY ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos barilin sa ulo ng makailang ulit ng hindi pa nakikilalang salarin sa Batuan, Masbate, Huwebes ng gabi.
Nakilala ang biktima ng pamamaril na si SMsgt Oscar Alegada, 43, nakatalaga sa Batuan Municipal Police Station (MPS) at nakatira sa Poblacion ng nasabing bayan.
Sa ulat, nangyari ang pananambang sa pulis dakong 7:10 ng gabi habang nakikipag-usap sa isang Mylene Olarita, isang NUP, sa gilid ng kalsada sa Bgy. Canvanez, Batuan.
Naisugod pa sa ospital sa San Fernando, Masbate ang biktima subalit hindi na ito umabot ng buhay dahil sa tinamong mga tama ng bala sa ulo.
Patuloy na tinutugis ng pulisya ang salarin at inatasan narin ang mga kalapit na police stations sa lugar na maglatag ng checkpoint para sa posibleng pagkakakadakip nito.

3 patay sa pagbaha sa Cagayan

TUGUEGARAO CITY – Umakyat na sa tatlo ang patay habang isa ang nawawala sa malawakang pagbaha sa Cagayan dahil sa walang tigil na pag-ulan dala ng bagyong Quiel.
Dalawa sa mga nasawi ay naitala sa bayan ng Claveria dahil sa pagkalunod at landslide, habang isang 14-anyos ang nakuryente habang naglalaro sa tubig baha sa bayan ng Aparri.
Isa naman ang patuloy na pinaghahanap sa bayan ng Baggao matapos malunod habang nangingisda.
Umakyat narin sa kabuuang 2,373 pamilya o 8,185 katao ang inilikas mula sa 8 bayan sa Northern Cagayan sa iba’t ibang evacuation center.
Kinabibilangan ito ng mga bayan sa Sanchez Mira, Pamplona, Allmacapan, Claveria, Baggao, Lasam, Lal-lo at Camalaniugan.
Nasa 10 kalsada at 8 tulay rin ang lubog sa tubig baha at hindi madaanan.
Nananatili namang walang pasok sa mga lugar na nakararanas ng pagbaha.

6 sundalo huli nang magwala  at manakal sa bar

BACOLOD CITY– Inireklamo ang anim na mga miyembro ng 79th Infantry Batallion ng Philippine Army matapos inakusahang magwala at manakal ng mga kustomer sa isang restobar sa Cadiz City, Negros Occidental madaling araw ng Huwebes.
Kinilala ang mga inaresto na sina Army Corporal Louie Tamparing, 28, ng Poblacion Tigbao, Zamboanga Del Sur; Private First Class John Anthony Jimenez, 24, ng Tapaz, Capiz; Private First Class Johnny Gallano, 24, ng Bgy. Lucero Jamindan, Capiz; Private First Class Mark Vargas, 25, ng Bgy. Lucero Jamindan, Capiz; Private First Class Jerome Danias, 25, ng Cagayan De Oro City; at Private First Class Regie Rogan, 25, ng Libacao, Aklan.
Sa ulat, inireklamo ang mga sundalo nina Amor Ramirez, 19; at Jance Dabalos, 28, parehong taga- Purok Paradise Saromar Subdivision, Bgy. Poblacion 2, Sagay City, matapos na magwala sa Chiller’s Resto Bar sa Gustilo Blvd., Barangay Zone 2, Cadiz City.
Apat na caliber .45 pistol ang nakuha ng Cadiz City Police Station sa mga miyembro ng Army.
Samtantala, itinanggi naman ni Army Capt. Rowell Dairocas, Civil Military Operations Officer ng 79th IB, na nagwala ang anim na mga sundalo.
Ayon dito, isinailalim lamang sa safekeeping sa Cadiz PNP ang mga miyembro ng militar dahil tumaas na ang mga boses ng mga ito sa restobar.
Kinumpirma naman ni Dairocas na naiturn-over na sa kanila ang anim na mga sundalo na haharap naman sa punishment dahil mahigpit na ipinagbabawal sa kanila na uminom sa pampublikong lugar.

Sekyu inambus; 1 sa 2
umambush patay, 1 sugatan

SUGATAN ang head security ng ISU Cabagan Campus matapos maka-engkwentro ang dalawang armadong lalaki habang papauwi sa kanyang tinitirahan sa Barangay Garita, Cabagan, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Randy Morillo, 47, may asawa at residente ng Barangay Cubag, Cabagan, Isabela.
Kinilala ang 2 suspect na sina Alfredo Malamug, 60, may asawa, negosyante; at Bernard Lago, 42, may asawa, gasoline boy na kapwa residente ng Barangay Garita, Cabagan, Isabela.
Natamaan ang paa ng biktima at naitawag nito sa kanyang kasama ang ginawang pananambang sa kanya ng 2 armadong lalaki na agad namang ipinagbigay alam sa mga pulis.
Kaagad namang nagsagawa ng follow up operation ang PNP Cabagan at napansin nila ang isang lalaki na kahina-hinala ang kilos at kanila itong kinompronta at nagpakilala na siya si Bernard Lago. Bagamat nagdahilan pa ito na siya at ang kanyang kasama naaksidente subalit kalaunan  nalaman na ito ang nakabarilan ni Alfredo Malabug, kaya’t inaresto ito ng mga pulis at itinuro ang kanyang kasama na nahulog ang kanilang motorsiklo sa bangin sa Barangay Cubag.
Isinugod si Alfredo Malabug na mayroong tama ng bala ng baril sa katawan subali’t idineklarang dead on arrival.
Narekober sa nasabing lugar ang 2 M16 riffle.
Ipinasakamay naman ni Morillo ang kanyang service firearm na caliber 9mm pistol sa mga pulis na nagsugod sa kanya sa pagamutan.
Nasa Cabagan Police Station si Lago matapos gamutin sa ospital at inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanya.
(Rey Velasco)

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close