
Naniniwala ang ilang mambabatas sa Kamara na mas magiging mabilis ang pagpasa ng P4.1 trillion proposed national budget para sa 2020.
Ito’y matapos aprubahan ng Senado ang panukala kamakailan, na nakatakda na rin isalang sa bicameral committee conference sa Biyernes.
Sa panayam sinabi ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. Legazpi na malaking allotments ng national budget ang inilaan sa Department of Education (DepEd) at implementasyon ng Universal Health Care Law.
Dinagdagan aniya ang pondo para sa feeding program, maliban pa sa edukasyon habang prayoridad ang “easy access” sa public health at pagsasaayos ng health facilities.
Ayon kay Garbin, isinulong din ang pagtaas sa Salary Grade 15 ng mga nurse sa bansa, mula sa kasalukuyang Salary Grade 11 na ayon sa kautusan ng Korte Suprema.
Umaasa ang mambabatas na magiging “smooth sailing” ang proseso sa bicam para maiwasan ang pagka-delay ng pondo gaya ng nangyari noong nakalipas na taon.
Kailangan aniya itong maisabatas bago pa man matapos ang taong 2019.