HUMIHIYAW ang hanay ng mga manggagawa sa transportasyon ng “hindi patas na trato” kontra sa Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISOGC) dahil sa maliit na pagtingin sa kanila. Itinalaga sila bilang mga taga-hatid at taga-sundo ng mga atleta, coaching staff, at sports official na kalahok sa SEA Games 2019 sa mahigit 23 siyudad at lugar sa buong Filipinas, ngunit maling-mali ang trato sa kanila ng PHISOGC.
Hindi sila natratong tao. Hindi sila natratong Filipino. Mayroong budget na halos P650 milyones ang pagbubukas lamang ng SEAG, ngunit wala ni singkong inilaan para sa tulugan, pagkain, at iba pang pangangailangan ng mga obrero ng transportasyon na kasama sa palaro ng mga kasapi ng ASEAN na ginaganap sa tuwing ikalawang taon.
Ilang piling paaralan ang idineklara na walang pasok upang maging “parking lot” at tulugan ng mga driver. Wala naman hinihinging kapalit ang mga tsuper kundi ang kalinga at malasakit ng pamahalaan.
Ayon sa aming kaunyon, ipagwalang bahala ng mga organizer ng SEA GAMES ang kanilang kalagayan at hindi inisip ang kaligtasan ng mga atleta kung ang mga obrero ng transportasyon na kabilang sa SEAG ay kulang sa tulog at pagkain.
Ayon kay Dan Lacerna ng Federation of Free Workers (FFW), ang maliit na pagtingin ng PHISGOC sa hanay ng drivers ay salamin lamang kung paano balewalain ng pamahalaang ito ang malaking hinihingi ng mga manggagawa sa kabuuan.
Dagdag niya, kung ang driver ay magkasakit, maaaring mag-resulta isa sakuna o pagkabalam ng pagdadala ng mga atleta sa lugar ng mga laro. Kalembangin ang batingaw upang mapansin ni Alan(nganin) kanilang kalagayan bago matapos ang SEA Games.
Noong halalang pampanguluhan ng 2016, ang sektor ng mga manggagawa ang isa sa malakas ang ayuda kay Rodrigo Duterte dahil sa mabulaklak niyang mga pahayag laban sa ENDO, kontraktualisasyon, Security of Tenure (SOT), hindi makataong pamamalakad sa mga pagawaan, at disenteng sahod.
Halos baligtarin ng mga obrero ang mundo sa pagsuporta kay Duterte. Sa isang malawakang rally, binanggit ni Duterte na wawakasan niya ang mga isyu ng manggagawa at isusulong ang makataong patakaran sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Ngunit ang pahayag ni Duterte ay pawang kabaligtaran. Naging bangungot siya ng mga obrero dahil walang natutupad kahit isa sa kanyang ipinangako. Sa halip, pinaikutan lamang ng Department of Labor and Employment at Department of Finance, at mismong si Duterte ang kanyang mga pangako upang paboran ang mga namumuhunan.
Nagana pang maraming konsultasyon sa mga manggagawa sa iba’t – ibang panig ng bansa upang ilatag sa pangulo ang maayos na panukala. Ito ay nasundan ng mga pagpupulong mismo sa pangulo. Subalit ang usapin ay nanatiling usapin at ang pangako ay napako.
Sa isang banda, dumulog ang mga kawani ng National Livelihood Development Corporation , o NLDC, sa pangunguna ng NLDC Employees Association (NLDCEA) , sa Korte Suprema na dinggin na ang petisyon nito laban sa Memo Order 85, na inilabas noong September 2, 2015, na lumusaw sa nabangit na opisina ng pamahalaan na ipawalang bisa ito dahil sa kakulangan ng merito at hindi pagsunod sa titik nang nabangit na kautusan.
Humigit apat na taon mula noon, parang na-stroke ang petisyon at himbing na himbing ito sa pagkakatulog sa hapag ng mataas na hukuman. Ang kawalan ng aksyon ng Korte Suprema ay kawalan na rin ng hustisya sa mga kawani ng nabangit na ahensiya. Napasama tuloy ang karamihan sa kanila sa 10 milyong mga walang trabaho sa kasalukuyan. Kalembangin natin ang Batingaw upang gisingin ang Korte Suprema.
Samantala, isang magandang balita sa mga kawani ng pamahalaan. Naglabas ang Department Budget and Management o DBM ng panuntunan sa taong ito hinggil sa Collective Negotiation Agreement o (CNA) incentive na taunang binibigay sa mga kawani ng pamahalaan na maging kabilang o di kabilang sa mga unyon ng kani-kanilang kagawaran o ahensya.
Maaaring tumanggap ang bawat kawani ng hindi hihigit sa P25,000. Depende sa halaga ng savings ng kani-kanilang mga ahensya, kanilang paghahati-hatian ang naipon. Ang pagbibigay ng CNA incentive ay hindi aaga sa Disyembre 15 ng kasalukuyang taon.

  • 23
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    23
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close
Close