TATLO ang sugatan nang sumiklab ang sunog sa Barangay 81, Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Fire Inspector John Joseph Jaligue, chief investigator ng Manila Fire District, nagtamo ng second-degree burn ang magkakaanak na sina Romano Hilario, 51; misis niyang si Erlinda Lopez, 53; at ang lola sa pamilya na si Marina Lopez, 79. Napila-yan ang matanda matapos madapa habang tumatakbo palayo sa sunog.
Sabi ng mga residente, sumiklab ang sunog dahil sa naiwang kandila sa isang bahay na walang kuryente.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na tumagal ng higit kalahating oras. Nahirapan ang mga bumbero na marating agad ang lugar dahil sa makikitid na eskinita at mga live wire.
Mabilis kumalat ang apoy lalo’t gawa sa light materials ang sampung bahay na nasunog.
Dalawampung pamilya ang nawalan ng bahay. Tinatayang nasa P50,000 ang halaga ng pinsala ng sunog.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *