2 BGY. KAGAWAD TODAS SA AMBUSH

BACOLOD CITY – Isang kagawad ng barangay ang pinagbabaril sa harap mismo ng kanyang mga kainuman sa Barangay 2 dito sa lungsod.
Kinilala ang biktima na si Romeo Canlas, na pinagbabaril ng tatlong lalaki habang umiinom sa Purok Masanag Uno, Barangay 26.
Ayon kay Barangay Kagawad Reno Delarna na kasama ng biktima, walo silang lahat na umiinom at nagulat na lamang ang mga ito nang lumapit ang tatlong armadong lalaki na mga nakasuot ng bonnet at nagtanong kung kilala nila si Ferlyn.
Pinadapa umano sila ng gunmen bago dinala si Canlas sa isang sulok at binaril ng makailang beses. Dead on the spot ang biktima.
Matapos ang pamamaril, kaagad tumakas ang gunmen sakay sa pribadong sasak-yan.
Nabatid na bago uminom kasama ang mga kaibigan, galing si Canlas sa sabungan.
Ayon kay BCPO spokesperson Police Lt. Col. Ariel Pico, may kinalaman sa iligal na droga, politika o personal grudge ang tinitingnang motibo sa pagpatay sa barangay official.
Si Canlas, ayon kay Pico, ay nasa drugs watchlist ng BCPO noong 2018, ngunit hindi pa masasabi kung ito ang nag-iisang motibo sa krimen.
Sa resulta ng autopsy examination, nagtamo si Canlas ng 8 sugat sa dibdib at sa magkabilang bahagi ng kanyang tiyan.
Sa Batangas City, namatay habang nilalapatan ng lunas sa Batangas Medical Center ang isang barangay kagawad na tinambangan ng hindi pa kilalang gunmen sa Sitio 6 Looban, Bgy. Balagtas dito sa lungsod, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Danilo Manalo, residente ng Bgy. Balagtas.
Batay sa inisyal na ulat ni Lt.Col. Julius Anonuevo, ang hepe ng Batangas City PNP, sakay ng kanyang Nissan Sentra Sedan (WBF 110) ang biktima nang harangin at paputukan ng sunod-sunod ng gunmen ng di pa batid na kalibre ng baril. Mabilis na tumakas ang mga salarin.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktima pero namatay din.
Inaalam pa ang motibo ng pamamaslang at ang pagkatao ng mga posibleng suspek sa krimen. (Jose Koi Laura)

  • 8
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
    8
    Shares

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *